SA Disyembre 18 ay may bago nang hepe ang Philippine National Police (PNP) sa katauhan ni Deputy Director Alan Purisima. Papalitan niya si PNP chief Dir. General Nicanor Bartolome. Sa Marso pa dapat magreretiro si Bartolome pero nagpaubaya siya kay Purisima para mapaghandaan nito ang May 2013 elections. Ilang buwan nang umuugong ang pag-upo ni Purisima bilang PNP chief at noong Huwebes lamang nagkaroon nang linaw makaraang ihayag ni President Aquino na magreretiro na nga si Bartolome. Una nang inihayag ni Aquino noon na magkakaroon nang puwesto si Bartolome sa Gabinete pero nawalang parang bula ang isyu.
Ang pag-upo ni Purisima bilang hepe ng PNP ay punumpuno ng hamon. Una, sasabak siya malaking responsibilidad na may kaugnayan sa elections. Masusubok ang kanyang kakayahan sapagkat tiyak na magkakaroon ng mga sigalot ang mga magkakalabang pulitiko. Ngayon pa lamang may mga pagbabanta na sa mga magkakalaban sa pulitika. Maraming pulitiko ang may private army at kung hindi magiging masigasig si Purisima sa pagbuwag sa mga ito, dadanak ang dugo. Maraming baril na nakakalat ngayon at tiyak na magkakagulo kapag hindi nasamsam ang mga ito. Umano’y abala ang gunrunners sa pagsusuplay ng armas sa mga pulitiko. Karamihan umano ng mga baril ay nanggagaling sa Mindanao.
Ikalawang mabigat na problemang kahaharapin ni Purisima ay ang sariling mga pulis. Napakara-ming “bugok” na pulis --- mga PO1, PO2 – na sangkot sa maraming krimen. Ang mga ito ang nagbibigay ng dungis sa PNP. Sa kabila na marami nang sinibak si NCRPO chief Leonardo Espina, marami pa ring “scalawags” na patuloy na gumagawa ng kasamaan. Sa kasalukuyan, makita lamang ng mamamayan ang asul na uniporme ng mga pulis, pagkatakot ang kanilang nadarama. Hindi na nila malaman kung kanino hihingi ng tulong.
Malaking hamon kay Purisima ang pagbasag sa mga bugok na miyembro ng PNP. Kapag nagawa niya ito, maaaring maibalik ang tiwala ng mamamayan. Sana, magawa niya.