HANDA na rin ang India na magpadala ng kanilang hukbong karagatan sa West Philippine Sea, bunsod ng hindi nila gustong mga kilos ng China kung saan inaangkin ang lahat ng karagatan. May interes din pala ang India sa isang bahagi ng karagatan, kung saan may oil at gas exploration na silang ginagawa. Inaangkin din ang lugar na ito ng China. Ayon sa isang opisyal ng Indian Navy, handa raw silang ipagtanggol ang kanilang mga interes sa rehiyon, at siguraduhin na malaya ang pagkilos ng mga barko sa nasabing karagatan, na mahalaga sa kalakalan nang maraming bansa. Ang planong kilos ng China na harangin, pahintuin o pabalikin ang anumang barko na pumasok sa kanilang inaangking teritoryo, na kasama pang babala na sasakay pa ang kanilang pulis o militar sa mga barkong gusto nilang akyatin, ay hindi tinanggap nang maraming bansa, kasama na ang Amerika.
Ang kalayaan ng pagkilos ng mga barko sa nasabing karagatan ay mahalaga para sa marami. Para angkinin ng isang bansa ang ganitong kalaking lugar ng karagatan ay nagpainit lamang ng tenga ng mga bansang may karapatang angkinin rin ang ilang bahagi ng karagatan. Wala talagang makaintindi sa mga pag-iisip at pagkilos ng China, kundi pagpapakita lamang ng kanilang bagong estado bilang makapangyarihang bansa sa mundo, at pangmamaton sa rehiyon. Ang mahirap, hindi naman lahat ay hihiga na lamang at tatanggapin ang kanilang mga paninindak!
Sa Enero raw magsisimula ang plano ng China sa pag-“board and search” sa mga barko. Kung itutuloy ito, wala pang makapagsasabi. Pero ngayon pa lang ay binulabog na ng China ang isang mistulang pugad ng putakti. Sa ASEAN pa lang, ilan na ang katunggaling bansa. Isama pa ang Taiwan, South Korea, Japan, Russia at ngayon pati India pala! Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ngayon pa sila tila humahanap ng kaaway, kung kelan malakas na ekonomiya na sila? Ang ganitong pag-iisip ay mahahambing natin sa mga nakaraang pinuno na gusto ring dominahin ang mundo katulad nila Hitler at Hirohito, at kung hindi siguro napigilan kaagad, si Saddam Hussein! Kung itutuloy ng China ito, may mga bansa siguro diyan na dapat hindi na puwedeng manood na lamang mula sa bakuran! Kailangan umaksyon na rin sila, hindi lang sa salita kundi sa gawa na rin! Hindi kailangan ng mundo ang isa pang maton.