Editoryal - Marami na naman ang mapuputukan
DALAWAMPU’T ANIM na araw pa bago ang pagpapalit ng taon pero ngayon pa lamang ay aktibo na ang mga bata sa pagpapaputok. Naghahagis na ng piccolo, trianggulo, 5-star at iba pang makabasag-eardrum na paputok. Yung ibang mga bata, watusi ang pinagkakaabalahan. Ang masaklap may mga bata na sinusubo ang watusi na ayon sa mga doctor ay lubhang delikado.
Wala pa namang napapaulat na mga batang dinadala sa ospital subalit habang papalapit ang pagpapalit ng taon, tiyak na magiging abala na naman ang mga ospital sa mga batang naputukan. Marami sa kanila ang naputulan ng daliri, nabulag at naputukan sa mukha.
Kahit taun-taon ay nagpapaalala ang Department of Health sa mamamayan na huwag nang magpaputok at sa halip ay pailaw o torotot na lamang ang gamitin, wala pa ring kadala-dala ang marami. Kahit pa marami nang naputukan sa mga nakaraang pagdiriwang ng bagong taon, marami pa rin ang walang leksiyon. Noong nakaraang Enero 2012, umabot sa 476 ang nasugatan dahil sa pagpapaputok at karamihan umano sa mga ito ay mga bata, Mayroong nabulag at mayroong nalason dahil isinubo ang watusi.
Hindi mapipigilan ang mga bata sa pagbili ng piccolo o watusi sapagkat sa mga sari-sari store ay lantaran ang pagbebenta sa mga bata. Sino ang pipigil sa may-ari ng sari-sari store para magbenta? Wala. Para kumita nang malaki ang may tindahan, kung anu-anong klase ng paputok ang tinitinda sa mga bata. Wala siyang pakialam kung maputukan, mabulag o maputulan ng daliri ang batang pinagbentahan niya ng paputok.
Ang tanging magagawa ng DOH ay magpaalala nang magpaalala sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak sapagkat ang mga ito ang karaniwang biktima ng paputok. Ngayon pa lamang magsimula na ang DOH sa kampanya laban sa paputok. Mas mabuting pa ay ipaunawa na sa mga magulang ang masamang dulot ng pagpapaputok. Habambuhay na tataglayin ang pinsala ng paputok. Ingatan ang mga bata na huwag maging biktima ng paputok. Salubungin ang 2013 na buo ang mga daliri at mayroong mga mata.
- Latest