Puro panduduro na ang ginagawa

KUNG ipipilit at itutuloy ng China ang kanilang plano na pahintuin at inspeksyunan ang lahat ng barko na dadaan sa karagatan na inaangkin nila, baka ito na ang maging mitsa ng tensyonadong sitwasyon sa West Philippine Sea! Ito ang plano ng mga pulis sa isla ng Hainan, na utos din ng gobyerno ng China. Lahat daw ng barko na dadaan sa tinatawag nilang teritoryo nila ay pahihintuin at iinspeksyunan, at puwedeng pang itaboy o pigilin ang paglayag! Agad namang umalma si Marine Lt. Gen. Juancho Sabban, ang kumander ng mga puwersa natin sa kanlurang bahagi ng bansa, kung saan sakop ang mga pinagtatalunang teritoryo. Ang karagatan ay para sa lahat, lalo na ang daanan ng mga barkong komersyo.

Kung ipatutupad ang patakaran sa darating na taon – sa Enero 1 raw – baka kung anong mangyaring masama na sa rehiyon. Lahat na lang ng kilos ng China ay kontra sa kanilang mga pahayag na sila’y handang makipag-usap ng maayos ukol sa mga isyu sa rehiyon. Magsasabi ng isang bagay, gagawa naman ng kilos na kontra. Katulad na lang ng paglagay ng military garrison sa Hainan. Tapos ang paglabas ng kanilang bagong passport na may mapa na nagpagalit lamang sa Vietnam, Taiwan, India at Pilipinas.

Ayon sa ibang mga eksperto sa rehiyon, tinetesting lang daw ng China ang magiging reaksyon ng mundo, partikular ang Amerika sa gagawing aksyon sa dagat. Para malaman kung papasa na ba sa mundo ang kanilang pag-aangkin sa buong karagatan o hindi. Kailangan pa bang malaman ang sagot diyan? Hindi ako naniniwala na sinusubukan lang ng China ang mundo. Dinuduro na ng China ang mundo, iyan ang malinaw. Gustong ipakita na sila ay isang makapangyarihang bansa, kapantay o higit pa sa mga kilalang makapangyarihang bansa ngayon. Mga kilos na ginawa ng Germany noong panahon ni Hitler, ng Japan noong panahon ni Hirohito, ng France noong panahon ni Napoleon. Lahat sila ay nabigo rin sa huli, dahil hindi na puwede sa mundo ang isang ubod na makapangyarihang bansa. Kung saang kursong gustong dalhin ng China ang isyu ng teritoryo sa karagatan, siguradong maraming bansa ang aalma. Sa tingin ko, kailangan na nilang mag-isip-isip ng mabuti, kung talagang kapayapaan ang hangad nila o hindi. Sunod-sunod na panduduro na ang kanilang ginagawa sa mundo. Baka may mapikon na lang diyan, kahit dehado pa nang husto laban sa kanila.

 

Show comments