NASA elementarya pa lang ako ay uso na ang bullying. Naranasan ko ring ma-bully noon, palibhasa ang mga kaeskuwela kong lalaki ay malalaki sa akin. Buti na lang at sa mga sumunod na taon ay mas malaki na ako sa kanila kaya hindi na sila puwedeng magsiga-sigaan.
Psychologically, nakakaapekto sa self-confidence ng lumalaking bata ang pambu-bully ng ibang mag-aaral.
Kaugnay nito, hinimok ni Aurora Rep. Edgardo “Sonny” Angara ang Senado na agad nang aksiyunan at isabatas ang Anti-Bullying Bill bago matapos ang 15th Congress sa Hunyo. Noon pang Disyembre ng nakaraang taon naipasa sa Mababang Kapulungan ang bersiyon nito ng panukalang batas. Ito ang House Bill No. 5496. Kaso, ito ay nakabimbin pa rin ang bersiyon ng Senado sa komite simula 2010.
Si Angara ay isa sa mga may-akda ng bersiyon ng Mababang Kapulungan ng panukalang batas. Mara-ming importanteng batas ang nakabitin pa rin bukod sa Freedom of Information (FOI bill) na madalas na nating matalakay sa kolum na ito.
Ang diwa ng bill laban sa pambu-bully gawing responsible ang management ng paaralan sa mga kaso ng pananakit ng mga mag-aaral sa kanilang kapwa estudyante. Hindi naman kasi puwedeng kasuhan ang mga paslit na bata kaya dapat tanurang mabuti ang mga nagsisipag-aral para maiwasan ang ganitong gawi ng mga bata. Sa madaling salita, ang ano mang kasasapitan ng mga batang nag-aaral ay dapat accountable ang paaralan.
Ayon kay Angara na tumatayong chairman ng House
Committee on Higher and Technical Education hinihintay na lamang ng Kamara de Representante ang bersiyon ng Senado.Kapag naisabatas ang H.B. 5496, aatasan ang mga paaralang elementarya at hayskul na magkaroon ng mga patakaran o polisiya laban sa bullying o pananakot na ipatutupad sa kanilang kampus.
Mamamahagi rin ng manwal tungkol sa pagsugpo sa bullying sa mga mag-aaral, guro, magulang, at tagapangalaga o guardian.
Saklaw ng bullying sa ang malubha o paulit-ulit na paggamit ng isa o maraming mag-aaral ng pahayag na nasusulat, berbal o elektroniko, o pamimisikal o pag-amba, o anumang kombinasyon ng mga ito, na nakapuntirya sa ibang mag-aaral, na mayroong epektong nalalagay ang huli sa takot ng sakit na pisikal o emosyonal o pagkasira ng kanyang mga ari-arian.