SA araw-araw, hindi nawawala ang posibilidad na may mangyaring aksidente sino o saan ka man naroroon.
Higit na marami ang nakararanas ng aksidente sa labas ng kanilang mga tahanan partikular na sa mga pinupuntahang lugar tulad ng pinagta-trabahuhan. Subalit ang malaking palaisipan sa lahat ay kung sakaling maganap ang aksidente sa oras ng trabaho, hanggang saan ang limitasyon ng responsibilidad ng kanyang pinapasukan sa taong sangkot sa aksidente.
Ito ang inilapit ni Jeff sa BITAG upang bigyang kasagutan ang tila pambabalewalang nararamdaman sa kompanyang pinagtrabahuhan niya. Empleyado si Jeff ng isang kumpanyang ang ibinebentang produkto ay litson manok.
Sa kasamaang palad, oras ng kanyang trabaho, habang ipinapasok ni Jeff ang atay ng manok sa gilingan upang gawing sauce, aksidenteng nahigop ng makina nito ang kanyang kamay. Dahil dito, naipit ang mga daliri niya at isa sa mga ito ang tuluyang naputol dahil sa pagkadurog ng mga buto.
Ayon sa legal counsel ng BITAG na si Atty. Freidrick Lu, Permanent Partial Disability ang natamo ni Jeff. Kaya naman mula nang maputol ang isa sa mga daliri niya, maituturing na nabawasan ang kanyang kakayahang isagawa ang mga normal niyang aktibidades.
Sakaling mapatunayan na ang kompanya ang may kapabayaan sa nangyaring aksidente nang dahil sa palyadong makina, obligasyon umano ng kumpanya na bigyan si Jeff ng halagang kabayaran sa pagkakawala ng kanyang daliri. Kaugnay dito, maaari rin daw na gawing regular na empleyado si Jeff dahil sa nangyari.
Subalit imbis na suportahan sa pagpapatuloy ng kaniyang trabaho ay nagawa pa ng kompanyang tanggalan si Jeff ng trabaho. Kaya naman agad na nakipag-ugnayan ang BITAG sa pamunuan ng kanilang kompanya upang iparating ang reklamong nakaabot sa aming tanggapan.
Bagamat prayoridad daw si Jeff sa pagiging regular na empleyado, walang kasiguraduhan kung kailan ito mangyayari.
Muling kinausap ng BITAG ang pamunuan ng kompanya ni Jeff at nangako naman silang agad na ipoproseso ang mga dokumento ni Jeff upang maisama na sa listahan ng mga regular na empleyado sa kanilang kumpanya.