Wala nang takot ang mga kriminal!

AYON sa PNP, mas mababa na raw ang krimen itong mga “ber” na buwan kumpara sa nakaraang taon. Gawa rin daw ito ng paglagay o paggamit ng CCTV sa maraming lugar, kaya nagdadalawang-isip na ang mga kriminal basta-basta gumawa ng krimen. Pero kung magbabasa ka lang ng mga pahayagan, o makikinig ng radyo at telebisyon, puro krimen ang laman ng balita. Ang kanilang paliwanag ay mas nauulat ang mga krimen ngayon, kaysa noon. Kung ganun, hindi nga masasabi na mas mababa ang krimen itong taon, dahil hindi naman pala nauulat lahat noon, di ba?
Ano man ang tunay na datos ukol sa krimen, ang katotohanan ay nagaga-nap pa rin ito. At iba na rin ang mga krimen ngayon. Sa tingin ko, bunsod na rin ito sa pagiging walang takot ng mga kriminal sa sistema ng hustisya at parusa ng bansa, kung saan mas protektado pa ang mga pangunahing suspek! Isang magandang halimbawa ay ang Maguindanao Massacre na tatlong taon nang nililitis pero wala pang linaw kung ano ang mangyayari! Nandyan ang mabababaw na dahilan para pumatay ng tao, katulad ng nangyari kay Judie Ann Rodelas, na ginahasa at pinatay dahil lang umano sa isang “leksyon” mula sa kaibigan! At itong kaso ng Amerikano na pinatay sa Bel-Air, Makati. Natapik lang ng malakas yung sasakyan, sapat na ito para patayin siya umano ng apat na lalaki! Nandyan yung mga pinapatay sa hazing. Puro mga walang katuturang dahilan, kung saan buhay na ang nabubura!
At nandyan pa rin ang mga krimen kung saan pagnanakaw at panghahalay ang dahilan. Mga pinapatay na mag-aaral sa Laguna. Mga pinapatay sa kanilang tahanan para nakawan. May CCTV nga, pero parang hindi na rin natatakot ang mga kriminal dito dahil mukhang mas masarap pa ang buhay sa loob ng NBP kaysa sa labas! At nandyan ang mga pulis na nandaya para lang makaangat ng posisyon o makapasok para maging pulis. Kapag ipagsama-sama mo lahat ng dahilang ito, isang lipunan na kaaya-aya sa krimen ang magaganap!
Kailangang ibalik ang matinding parusa para sa mga krimen. Kailangan maging mabilis ang pagdispensa ng hustisya. Kailangan ibalik ang takot sa mga kriminal para sa mga masasamang gawain nila, dahil sa totoo lang, wala nang takot ang mga iyan. Ang mamamayan na ang takot, hindi sila. Dapat baligtad. Dapat sila ang takot, hindi tayo!
 

Show comments