Kasambahay bill ni Sonny Angara

NAKATUTUWA itong Kasambahay bill ni Aurora Rep. Edgardo “Sonny” Angara.

Sa ilalim ng HB 6144 na malapit nang maging batas, mabibigyan ng pagkakataon ang mga kasambahay na makapagtapos ng pag-aaral. Hangad nating maisabatas ang panukalang ito porke maraming kasambahay ang mabibigyan ng tsansang umangat ang katayuan sa sosyedad.

Ayon kay Angara, dapat na payagan ng employers ang kanilang kasambahay kung ninanais nila na makapagtapos ng pag-aaral sa ilalim ng Domestic Workers Act. In fairness, kahit wala pa ang batas na ito, mayroong mga amo na may puso at yung iba’y kusang pinag-aaral ang kanilang mga katulong.

Pero hindi lahat ng amo ay ganoon kaya mabuti na mag-karoon ng batas para ang lahat ay obligado kung interesadong magpatuloy ng pag-aaral ang kasambahay. Ani Angara, pag-uusapan ng employer at kasambahay ang oras ng trabaho sa bahay upang maisaayos ang schedule kung kailan papasok sa eskuela ang isang kasambahay. Maganda di ba?

Si Angara ay chairman ng House committee on higher and technical education. Aniya,  dapat pahalagahan ang pagkakaroon ng kasambahay ng basic education at posibilidad na makatuntong ng kolehiyo. Maaari din namang mag-aral ng technical and vocational courses ang mga kasambahay.

Oo nga naman. Batid kong kahit kasambahay ay may  ambisyon ding umangat ang katayuan sa lipunan at ito’y bagay na dapat suportahan ng sino mang employer.

Nagkaisa ang Congressional bicameral conference com­ mittee noong Martes para magkaroon ng pinagsanib na bersyon ng bill ng Senado at Mababang Kapulungan. 

Kaugnay ng pasahod sa kasambahay, nagkaisa ang dalawang kamara sa sahod na  P2,000 bawat buwan para sa mga kasambahay sa chartered cities at first class municipalities; at P1,500 bawat buwan sa mga nagtatrabaho sa iba pang munisipalidad. Bukod sa pagtatakda ng minimum na sahod, magkakaroon na rin ang mga kasambahay ng mga benepisyo alinsunod sa mga umiiral na batas tulad ng pagiging miyembro nila ng Social Security System, Philhealth, at Pag-Ibig Fund.

 

Show comments