DINAGSA nang napakaraming text message ang textline ng BITAG tungkol sa iba’t ibang sumbong ng mga dorobong pasimuno ng networking o pyramiding scam sa bansa partikular na ang Aman Group sa Pagadian City.
Makailang ulit nang naka-engkwentro ang BITAG ng reklamo tungkol sa modus ng networking at pyramiding sa bansa. Modus ng mga miyembro nito na mangalap at mangumbinsi ng ibang tao para maging miyembro ng kanilang organisasyon.
Bilang pang-akit, inaalok ng mga miyembro ang mga tao sa pamamagitan ng pagkukuwento ng mga istorya ng tagumpay nang dahil lamang sa pagsali sa kanila. Sino ba ang hindi madadala kung sasabihin sa iyong kikita ka nang napakalaking halaga ng walang kahirap-hirap.
Kinakailangan lamang na kumuha ka rin ng iba pang aplikante at mula roon ay magkakaroon ka na ng porsiyento sa oras na magdeposito ng pera bilang puhunan o bumili rin sila ng produktong kaakibat ng pagiging miyembro sa kanilang organisasyon.
Subalit ang nakababahala, karaniwang kabataang estudyante sa high school at kolehiyo ang target ng mga nagkalat na networking at pyramiding na negosyo.
Dahil sa musmos pa ang kaisipan upang magdetermina sa mga nakakahumaling na salita ukol sa pera, madaling nahuhulog ang kabataan sa pangungumbinsi ng mga mapagsamantalang kawatang ito. Umaabot sa puntong para lamang maging miyembro, natututo na silang magsanla ng kagamitan o kung hindi man ay magnakaw sa mismong mga magulang nila.
Ganito ang nangyari sa magulang ng isang estudyanteng lumapit sa BITAG upang ireklamo ang panlilinlang na ginagawa ng mga networking at pyramiding scam. Imbis na ipambayad sa pag-aaral, nagawa ng kanilang anak na ibigay sa sinasalihang Networking Company ang pera na sana’y pang-tuition niya.
Babala ng BITAG sa lahat ng aming mga tagasubaybay na laging gabayan ang inyong mga anak sa kanilang mga desisyon at sinasalihang organisasyon. Maging paladuda at kuwidaw sa anumang alok lalo na kung walang sapat na kaalaman sa mga tao o kumpanyang nangu-ngumbinsi nito.