Reward dagdagan para sa Ampatuan fugitives
TATLONG taon na ang Maguindanao Massacre ng 58 karamihan ay mga babae at newsmen. Sa 194 sakdal, 91 pa ang nagtatago sa batas. Ang mga pulis na kampon ng Ampatuan political dynasty ay nasa puwesto pa. Sa 520 testigo ng prosecution at defense, 120 pa lamang ang naihaharap sa trial. Tatlo lang sa 30 vital witnesses ng prosecution ang nakapagsalita, dahil sa pambabara ng mga nasasakdal. Dahil sa mga banta, lumisan na sa Pilipinas ang asawa’t anak ng isang minasaker, si Bong Reblando.
Tila makakabalik pa sa poder ang mga Ampatuan. Pitumpu’t apat sa kanila ay kandidato sa Halalan 2013. Siyam ang suportado ng ruling Liberal Party, at 34 ng oposisyong United Nationalist Alliance. May katwiran pala ang ngising-aso ni principal accused Andal Ampa-tuan Jr. nang i-display ang campaign wristbands ng LP nu’ng 2010 campaign.
Nakipag-alyado umano ang mga Ampatuan sa angkang Mastura, na malapit sa Moro Islamic Liberation Front, na ngayo’y kakampi na ng gobyerno. Nagtatago umano si suspect Datu Ban Ampatuan sa building na itinayo ng gobyerno para sa mga dating separatistang MILF. Kinukupkop daw ng MILF 106th Base Command ang iba pang suspects sa ilalim nina Datu Harris at Datu Kanor Ampatuan.
Malaki pa ang kayamanan ng mga Ampatuan para makalaya sa piitan at makabalik sa poder. Walong ari-arian ang naibenta ni Andal Ampatuan Jr. nu’ng Mayo 2011. Ito’y bago pina-freeze ng Court of Appeals ang maraming bahay at lupa, bank accounts, baril at sasakyan.
Dapat dagdagan ang P250,000-reward sa paghuli sa bawat nalalabing suspect. Isama na rin ang mga pumapatay sa mga testigo. I-broadcast sa TV at ipaskel sa buong bansa ang kanilang mga retrato. Sa gan’ung paraan, mauubos na ang mga mama-matay-tao na ‘yan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest