Mailap na hustisya

TATLONG taon na ang lumipas nang maganap ang karumal-dumal na Maguindanao massacre, kung saan 58 tao ang pinagpapatay. Kasama sa mga pinatay ang asawa ni Ismael Mangudadatu, na patungo na sana para mag-file ng kanyang certificate of candidacy. May mga kasamang taga-suporta, kapamilya, kaibigan, mga mamamahayag. Hinarang sila at pinalabas sa kanilang mga sasakyan, at pinagbabaril. Matapos ang pagpatay, gusto pang ilibing, kasama pa ang kanilang mga sasak-yan! Pero dahil nakatawag ang asawa ni Mangudadatu na hanapin na raw sila, naubusan sila ng oras para takpan ang kanilang krimen! Naiwan pa ang backhoe na may nakapaskel na pangalan ni Andal Ampatuan Sr.!

Higit 100 testigo na ang nagsalita laban sa mga pangunahing suspek, ang angkan Ampatuan na pina-ngugunahan ni Andal Ampatuan Sr., Zaldy Ampatuan at Andal Ampatuan Jr. na tinuturo umano na namaril. Pero tila hindi pa umuusad ang kaso. May mga napapatay nang testigo, may mga hindi pa nahuhuling suspek, at panay antala ang nagaganap dahil sa mga mosyon ng depensa. Hindi rin natin masabing maayos ang trabaho ng prosecution dahil nga sa hindi umuusad ang kaso! Gaano katagal inabot ang impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona? Walang isang taon. Sa mada-ling salita, kung gugustuhin, mapapabilis ang hustisya.

Kailangang pag-aralan ng mga abogado, at gobyerno ang kaso ng Maguindanao massacre. Sinasabi noon na kaya napakalakas ng loob at arogante ng pamilya Ampatuan, partikular sa kanilang balwarte sa Maguindanao ay dahil malakas kay dating President Arroyo. Wala na sa puwesto si Arroyo, at kinakasuhan na rin. Ano pa ba ang kailangan para umusad ang kaso? Ang obserbasyon ng iba ay dahil gustong habulin lahat ng sangkot, bago makausad ang kaso. Bakit hindi na muna kasuhan ang mga nahuli na? May ebidensiya na laban sa kanila. Hindi ako abogado, pero ang 100 testigo, kulang pa ba iyon?

Gaano pa katagal bago makamit ang hustisya? Tatlong taon pa uli o higit pa?

 

Show comments