TAMA ang ginawa ni DOJ Sec. Leila de Lima sa pagsibak o pagsuspindi sa mga opisyal ng New Bilibid Prisons (NBP). At kailangan talagang magpaliwanag ni NBP Chief Superintendent Ramon Reyes kung paano nakakapasok ang mga kontrabando, kasama na ang granada na pinasabog sa maximum security area! At ano naman ang paliwanag ni Reyes sa laki ng pagkakaiba ng resulta ng mga nakumpiskang gamit sa ilang bilanggo ng NBI agents, kumpara sa mga nakumpiska kuno ng mga opisyal ng NBP! Pambihira ang mga nakuhang kagamitan mula sa isang bilanggo! Mga mamahaling cell phone, mga USB na pang wi-fi, may iPad, Galaxy tablet, mga sim card na bago at gamit, at may mamahaling alak pa na mga mayayaman lang ang nakakabili katulad ng Blue Label at Royal Salute, at split-type na aircon! Talo pa nila ang ilang hotel sa Metro Manila sa sarap ng alak! May libu-libong pera pa, at may hinalang mga iligal pang droga! At may sariling CCTV pa sila!
Diyos ko, anong klaseng bilangguan ang NBP? Hindi pwedeng tanggapin na hindi alam ni Reyes ang lahat ng pinaggagawa ng kanyang mga tauhan at mga bilanggo, isang dahilan na ginamit na rin ng isang dating hepe ng NBP. Sagisag ng isang mahinang pinuno ang hindi alam ang nangyayari sa kanyang lugar, o alam niya lahat pero, alam nyo na. Ito ang kailangang ipaliwanag ni Reyes! Pero anuman ang kanyang paliwanag, hindi na siya dapat ibalik pa sa NBP. Kung may mapatunayan na may ginawa siyang pagkakamali, baka makabalik na siya, sa loob.
Ano pa ang silbi ng NBP kung ganyan naman ang buhay ng mga bilanggo sa loob? Cell phone, wi-fi, internet, Blue Label, Royal Salute, pera? Mga masasarap ang buhay, at tila nakaka-negosyo pa’t nakakapagpatuloy pa ng kanilang mga negosyo, maging ligal o hindi! Paano na ang hustiya para sa mga naging biktima ng kanilang mga krimen? Matagal ko nang sinasabi na ang korapsyon sa NBP ay malalim na. Hindi ko akalaing ganito kasama! Hindi ko alam kung matatanggal pa ang sistema ng korapsyon sa NBP, o hindi na. Kung hindi na mababago, isara na lamang ang NBP dahil maliwanag na bigo sa kanyang tungkulin na maging bilangguan. Kung hindi lang nadidispensa ang hustiya ng tama, para saan pa iyan?