CONGRATULATIONS kay Atty. Marvic F. Leonen, bagong hirang na Associate Justice ng Supreme Court. Si Justice Leonen ay dating kasamahan natin sa Philippine Association of Law Schools noong siya’y Dean ng University of the Philippines College of Law. Sa Columbia University Law School sa New York din niya nakuha ang kanyang Master of Laws Degree.
Bago siya na-appoint, nakilala siya bilang chief government negotiator o chairman ng government negotiating panel sa peace process. Sa madla ay isang malaking tagumpay ang resulta ng pakikipag-usap sa MILF upang makamit ang isang matagalang kapayapaan. Dahil dito ay siniguro na ang appointment ni Leonen sa puwestong binakante ni Chief Justice Ma. Lourdes A. Sereno sa Korte Suprema.
Malaki ang magiging kontribusyon ni Leonen sa Mataas na Hukuman. Una, malawak ang kanyang exposure sa peace process. Bagamat teritoryo ng ehekutibo ang pagsiguro ng ating kapayapaan sa lipunan, maganda rin kung ang Hudikatura ay naabisuhan o, mas mabuti, may in-house expert na magdadala ng bola, ika nga, upang higit na maintindihan ng Korte ang mga isyu sa teknikal na usaping ito. Pangalawa, bilang dating Dean ng UP College of Law, may malalim itong pag-unawa sa karamihan ng mga usaping panlipunan na haharapin ng Korte, lalo na sa usaping pangkalikasan. Sa katunayan, sa kapasidad niya bilang Dean ay una niyang nakabanggaan ang buong Supreme Court nang hilingin niya ang pagbitiw ni Justice Mariano del Castillo kaugnay ng desisyon sa comfort women.
Higit sa lahat, malaki ang maiaambag ni Leonen dahil sa haba ng kanyang itatagal sa Supreme Court. Sa edad 49, siya na ang youngest sa lahat ng mahistrado at pinakabata mula nang 1938. Kung si CJ Sereno ay inaasahang maninilbihan ng 18 years, si Leonen ay 21 years na mananatili sa puwesto. Kaya maging sino man ang magpuno ng mga susunod na bakante – at kahit sino pang administrasyon ang mamuno, masisigurong mapapakinggan at malalaman natin ang posisyon ni Leonen. Kesyo magtambal sila ni CJ o maging magkatunggali, malaking katotohanan na ang Korte sa susunod na dalawang dekada ay ituturing na the Sereno-Leonen Court.