PAG-UUSAPAN na ang sa tingin ko, at tingin na rin nang marami, ang pinakamahirap na bagay sa kasunduan ng gobyerno at ng MILF – ang paghati ng kapangyarihan at kayamanan na makukuha mula sa mga rehiyon na sakop ng Bangsamoro. Kung may mga bagay na puwedeng pagmulan ng problema o hindi pagkakaintindihan, ito ang pera. Nataon pa naman kung kailan pumutok na ang isang malaking panlolokong pyramid scam sa Mindanao, kung saan libo ang naloko. At nalalantad na rin ang mga iba pang mga pyramid scam sa rehiyon, kaya marami ang nawalan ng pera. Kaya sa tingin ko lalong magiging mahalaga ang pag-uusap at pagkakasundo ng dalawang panig.
At walang iba kundi sina President Aquino at MILF Chairman Murad Ebrahim ang magdedesisyon base sa pag-uusap sa Disyembre, para maging maayos ang pagpapatupad ng kasunduan para sa pangmatagalang kapayapaan. Isang bagay na matagal nang nais nang marami sa rehiyon. Sa Kuala Lumpur, Malaysia magkikita ang dalawang panig para plantsahin ang mga isyu. Sana wala nang aberya o sabit, para tuloy-tuloy na ang kasunduan.
Pero marami pa ring mga kumokontra sa naganap na makasaysayang kasunduan. Mga grupo na mawawalan ng saysay kapag tuluyang napatupad na ang Bangsamoro sa Mindanao. Katulad ng Abu Sayyaf at mga kumalas sa MILF na ngayon ay tulisan na ang papel sa mundo! Isa rin itong isyu na dapat pag-usapan, maliban sa paghahati ng kapangyarihan at kayamanan. Napakaraming armadong grupo sa Mindanao na dapat mabuwag kapag naipatupad na ang Bangsamoro. Kailangan may kontrol ang pamumuno ng Bangsamoro sa lahat ng kanilang magiging alagad ng batas, hindi yung lahat na lang ay may baril! Kung hindi nila makontrol iyon, baka wala ring silbi ang mga magiging alagad ng batas sa Bangsamoro.
Umpisa na nga ang mahirap na trabaho. Tapos na ang “honeymoon”, ika nga. Tapos na ang pagsasaya na may naukit na kasunduan mula sa dalawang panig. Kailangan nang upuan at pagsunugan ng kilay ang mga isyu na bumabalot sa pagbubuo ng Bangsamoro. Para makita naman nating mapayapa na ang Mindanao. Para malaman na ang tunay na potensyal ng rehiyon, kapag wala nang gulo at wala nang karahasan. Para lahat masaya.