ANG isang lalaking naging Muslim at nagpakasal ng dalawang beses ay hindi ba makakasuhan ng bigamy dahil sa kanyang relihiyon? Ito ang sasagutin sa kaso ni Nilo.
Noong Abril 6, 1999, nagpakasal si Nilo kay Susie na nakilala niya sa Saudi habang nagtatrabaho ang babae bilang komadrona sa isang Naval Base Hospital. Nagpakasal sila sa San Jose, Del Monte, Bulacan. Sa kasamiyento ng kanilang kasal nakasulat na si Nilo ay isang “Catholic Pentecostal”. Matapos ang kasal ay bumalik na muli sa Saudi Arabia ang mag-asawa. Pero hindi nagtagal, bumalik si Nilo sa Pilipinas.
Dito sa Pilipinas, nakita ni Nilo ang dati niyang kababata at kapitbahay na si Rina. Nauwi sa pag-iibigan ang kanilang pagkikita hanggang sa magpakasal ang dalawa noong Disyembre 8, 2001 sa Max Restaurant sa Quezon Avenue, Quezon City. Sa kanilang kasamiyento ng kasal, isinulat ni Nilo na isa siyang Katoliko at binata. Matapos ang kanilang kasal saka pa lang nalaman ni Rina na isa na palang Muslim ang mister magmula pa noong 1992 kaya pagkatapos ay muli silang nagpakasal alinsunod sa ritwal ng mga Muslim.
Nakarating kay Susie ang tsismis tungkol sa pagkakaroon ng ibang misis ni Nilo, kaya nagbalik siya sa Pinas. Napatunayan nga niya ang pagkakaroon ng pangalawang asawa ni Nilo noong Nobyembre 2003 nang kumuha siya ng sertipikasyon mula sa National Statistics Office (NSO). Lumabas sa rekord doon ang petsa at lugar ng dalawang kasal ni Nilo.
Hinarap ni Susie si Rina at umamin ang huli na alam niya ang tungkol sa unang kasal ni Nilo pero sa kabila nito ay pinakasalan pa rin ang lalaki. Kaya nagsampa si Susie laban kina Nilo at Rina ng paglabag sa Art. 349 ng Revised Penal Code para sa kaso ng bigamy noong Agosto 24, 2004.
Sa kanyang depensa, inamin ni Nilo na dalawa ang naging kasal niya sa dalawang magkaibang babae. Pero ayon sa kanya ay naging Muslim na siya noon pang Enero 10, 1992 bago pa man siya magpakasal kay Susie. Diumano, dahil sa pagiging Muslim, maaari siyang magpakasal at magkaroon ng hanggang apat na asawa dahil pinapayagan ito sa relihiyong Islam. Upang patunayan ang kanyang pagiging Muslim ay nagsumite siya ng isang Certificate of Conversion pero ang petsa ng dokumento ay Agosto 2004 lamang kung kailan naisampa na ni Susie ang kaso ng bigamy.
(Itutuloy)