Greco Belgica - From councilor to senator

ANG tanong ko kay Manila Councilor Greco Belgica (Reporma Pilipinas) nang dumalaw sa editorial department ng Pilipino Star NGAYON: “Bakit Senado agad at hindi muna Mababang Kapulungan ang target mo?” Aniya mayroon siyang adbokasiya  na hindi maisusulong sa Kamara de Representante kundi sa Senado lang.  Si Greco ay ipinagmamalaking anak ng kapatid sa pananampatayang si Pastor Butch Belgica na dati ring nanungkulang konsehal ng Maynila.

Isa rito ay ang flat tax. Pagpapataw ng iisang klaseng 10% buwis sa kinikita ng mga indibidwal at maging ng mga malalaki at maliliit na negosyo. Ipinatutupad na ito sa may 43 mga bansa gaya ng Singapore, Hongkong at China, Netherland at Russia. Ibig sabihin, mawawala na ang value added tax, business tax, amiliar sa mga real estate property at kung anu-ano pang buwis na mabigat na pinapasan ng taumbayan.

Ani Belgica kung tutuusin ay walang Pilipino ang may-ari ng sariling lupa dahil taun-taon ay nagbabayad tayo ng upa na kung tawagin ay amiliar.

Masasabing simple ang flat tax, episyente at patas para sa lahat.  Dahil unipormado na ang paniningil ng buwis, mawawala na ang pandaraya at pagsasabwatan ng taxpayers at tax collector. Ayon kay Belgica na isa ring Pastor sa Lord’s Vineyard Church, makakalikha ito ng magandang klima sa pamumuhunan na aakit sa mga investors.

Maiksi ang kolum natin para ipaliwanag ito pero may magandang punto ang ideya.  Trenta’y tres anyos lang si Belgica at puno ng ideyalismo at magandang kon-  septo. Pero susuportahan    kaya ang ideyang ito ng kanyang kapwa mambabatas? Diyan natin makikita ang mga mambabatas kung tunay na may magandang intensyon sa bayan.

Lahat kasi ng hakbang na susugpo sa korapsyon ay dumaranas ng mga pagtutol. Tulad din ng jueteng na tinapatan ng legal na small town lottery (STL) pero umiiral pa rin ang mga bookies  dahil diyan magmumula ang “tong” na ibibigay sa mga dapat bigyan.

Madalas nating sabihin na kahit ano pang magandang sistema ang ilatag mo, kung ang magpapatupad ay mga corrupt, hindi mawawala ang graft and corruption. Dala-ngin kong manalo ka Greco para maragdagan ang mga taong may takot sa Diyos     sa ating pamahalaan.

 

Show comments