P’wede naman palang gawin!

AYON sa Department of National Defense, malapit nang magkasundo ang Pilipinas at Italy para makabili ng dalawang barkong pandigma sa kanila. Hinihintay na lang ang rekomendasyon mula sa Philippine Navy, na ipakikita sa presidente para aprubahan. At mukhang maaaprubahan naman, base sa modernisasyon na ginagawa ni President Aquino sa Hukbong Sandatahan. Tunay na sa administrasyong ito lang nakikita ang mga pagbabago sa ating navy at air force, sa pamamagitan ng pagbili ng mga bagong barko at eroplano. Nakikita ng mamamayan na ginagastos ang pera para mapalakas ang ating militar. Hindi ito naging prayoridad ng mga nakaraang administrasyon.

At tama lang na dapat palakasin ang ating Hukbong Sandatahan. Iba na ang nangyayari sa West Philippine Sea. Kung dati ay tila tahimik ukol sa pag-aangkin ng ilang isla sa karagatan, ngayon naging mas arogante na ang China ukol sa isyung ito. Iba’t ibang bansa na nga ang katunggali ng China pagdating sa pag-aangkin ng mga isla, hindi lang sa Scarborough Shoal at Spratlys, kundi pati na rin sa mga karagatan sa pagitan nila ng Japan at Russia! Doon, medyo umaatras sila at alam nilang malalakas ang mga militar ng mga bansang iyan, at subok na sa labanan! Pagdating sa Pilipinas, maton ang dating dahil sa alam na mahina ang ating militar. Ito ang gustong baguhin ng administrasyong Aquino. Bukod sa nakuha na nating Hamilton-class na barko, may parating pang isa sa darating na taon. Bibili rin daw ng mga eroplanong pandigma sa South Korea. At ngayon, itong dalawang frigate mula sa Italy. Tumutulong din ang Japan sa pamamagitan ng pagbigay ng mga maliliit na barko para magamit sa pagtaguyod ng seguridad ng ating karagatan.

Isipin na lang natin kung ang mga nakaraang administrasyon ay mas itinulak ang modernisasyon ng AFP, imbis na kung saan-saan na lang napunta ang pera ng bayan. Hindi masisisi si President Aquino sa kanyang patuloy na pagbanggit ng mga mali ng nakaraang administrasyon, dahil sa mga nagagawang tama ngayon. Kung baga, puwede naman palang gawin, bakit hindi ginawa? Kaya tayo naging kawawa sa buong Southeast Asia dahil sa mga bulsa lamang ng mga magnanakaw napunta ang pondo at hindi sa bayan! Maraming anomalyang naungkat kung saan sangkot ang nakaraang administrasyon! Malakas-lakas na sana ang ating navy kung inisip lang nila ang seguridad ng bansa, imbis na ang seguridad nila, kanilang mga anak hanggang apo sa tuhod!

 

Show comments