SAMPUNG Pilipino ang namamatay bawat oras dahil sa paninigarilyo. Sa loob ng isang taon, tinatayang 876,600 Pilipino ang namamatay. Karaniwang sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay sakit sa puso at cancer sa baga. Pabata nang pabata ang mga nagkakasakit sa puso sa kasalukuyan. Ayon kay Dr. Saturnino P. Javier, presidente ng Philippine Heart Association, ang mga inaatake sa puso ay nasa edad 30. Bukod sa atake sa puso, mayroon ding nai-stroke. Inihalimbawa ni Javier ang kanyang pasyente na edad 17 at nakakaubos ng tatlong kahang sigarilyo. Ayon kay Javier, tatlong blood vessels sa puso ng kanyang pasyente ang barado. At nangyari iyon ay dahil sa paninigarilyo.
Sa pag-aaral, kapag itinaas ang presyo ng sigarilyo, marami ang mapipigilan sa paninigarilyo. Hindi na nila kakayaning bumili ng sigarilyo sapagkat ubod ito ng mahal. Siguradong bibitiwan nila ang bisyong nakamamatay. Ayon kay Jo-Ann Latuja, senior economist ng Action for Economic Reform, kapag nagmahal ang sigarilyo, makakapagligtas ng 75,000 buhay sa loob ng isang taon.
Magiging ganap lamang ito kapag naipasa ang “sin tax” bill sa Senado. May ginawang bersiyon ng “sin tax” bill si Sen. Franklin Drilon kung saan ay kikita ng P40-bilyon hanggang P45-bilyon ang pamahalaan. Mas mataas naman ito kaysa bersiyon ni Sen. Ralph Recto na P15-bilyon. Nag-resign si Recto makaraang ideliber ang kanyang report sa “sin tax” bill. Maraming bumatikos sa kanya. Sa halip na pataasin ay lalong ibinaba.
Pinaka-maganda ang bersiyon ng “sin tax” bill ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na kikita ang pamahalaan ng P60-bilyon. Ang bahagi ng kikitain sa “sin tax” bill ay para sa pagpapagamot ng mga maysakit at tutustusan din ang pagpapagawa ng mga ospital ng gobyerno.
Dalawang pakinabang ang makukuha sa “sin tax” bill ni Miriam. Pero ang mas mahalaga, marami ang maililigtas sa kamatayan. Hindi na sana ibitin-bitin pa ang “sin tax” bill.