TULUYAN ng isinara ng Bacoor Police ang imbestigasyon sa karumal-dumal na pagpatay sa UST cum laude graduate na si Cyrish Magalang matapos aminin ng magkakapatid na Roel at Rolin Gacita. Nag-uumapoy ang damdamin ng sambayanan sa sinapit ni Cyrish na matapos limasin ang mga gamit nito ay sinaksak pa ng 49 na beses at binagsakan pa ng hollow block sa ulo. Robbery with homicide ang isinampang kaso. Mabuti na lang at isang kahig isang tuka ang magkakapatid kaya wala silang kakayahang makapagpiyansa para makalaya.
Ayon kasi sa mga nakausap kong eksperto maa-ring makapagpiyansa ang magkapatid at pansamantalang makalaya na maari nilang gamitin upang magtago. Ngunit tama naman umano ang isinampang kaso ng Bacoor Police sa magkapatid dahil nagawa nila ang krimen dahil napatunayang lango sila sa alak at droga kaya wala sila sa tamang pag-iisip. Bahala na ang korte sa kasasapitan ng mga salarin.
Sa puntong ito ang pinagbabalingan ng ngitngit ng sambayan ay ang malamyang kampanya ng gobyernong Aquino. Ayon sa mga nakausap ko, kung talagang nais ni P-Noy na maputol ang pamamayagpag ng drug traffickers sa bansa dapat ikumpas niya ang mga kamay na bakal sa PDEA, AIDSOFT, NBI at maging sa PNP. Dahil kung super ang paghihigpit niya sa pagpalaganap ng droga tiyak na iiwas ang mga drug trafficker. Isama na niya ang pagkalampag sa mga pulitiko na nagsisilbing protector ng drug dealer. Maging ang mga judge sa lahat ng hukuman bansa ay nararapat lamang na pabantayan niya upang hindi maligwak ang kaso. Sa kaso kasi nina Roel at Rolin Gacita, malinaw na gumamit sila ng droga bago nila isagawa ang karumal-dumal na krimen. At ang Bacoor Police naman ay kampante na sa kanilang imbestigasyon at inihayag nito sa publiko na sarado na ang kaso ni Cyrish. Nakatatawa dahil kung talagang nais nilang makatulong sa sambayanan ng Cavite, bakit hindi nila arukin kung saan bumili ng droga sina Roel at Rolin. Kung walang magiging aksyon sina Cavite provincial director Sr. Supt. John Bulalacao at Bacoor police chief Sr. Supt. Romano Cadino kung saan nanggaling ang droga ng magkapatid, tiyak na ma rami pang Caviteños ang mapapahamak. Panahon na para ibalik ang death pe-nalty.