GUMUGULO ang election dahil sa mga sandatahang tauhan ng pulitiko. Maraming nagpapatayang magkakalaban sa pulitika. Nagkakagirian sa mismong araw ng kampanya at ang matindi, sa mismong araw din ng election. Bawat isa ay hindi nagpapatalo. Matira ang matibay. Tatapatan ng mata-taas na kalibreng baril ang kalaban at ratratan na. Ang nakakatakot pati mga sibilyan ay nadadamay sa paglalaban ng mga pulitikong may sariling army.
Anim na buwan na lamang at election na. Nga-yon pa lamang ay may nangyayari nang karahasan. Mayroong kalaban sa pulitika na itinutumba ng ri-ding-in-tandem. Mayroong kandidato na pinagbantaang papatayin. May tinatakot na kandidato. Lahat ay maaaring mangyari lalo’t armado ang magkakalaban sa pulitika. Malakas ang loob ng mga kandidato sapagkat mayroon silang armas.
Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na 68 sa 170 private armies ang aktibo na sa kasalukuyan. Hindi naman tinukoy ng PNP kung ang private armies ay sa mga pulitiko. Pero kahit na hindi tukuyin ng PNP kung sa mga pulitiko ang private armies, sino pa ba ang magbubuo ng sandatahang grupo kundi ang mga pulitiko. Ang mga pulitiko lang naman ang may kakayahang bumili ng mga armas at mag-empleo ng mga kalalakihan para gawing bodyguard. Wala nang iba pang makakagawa ng pagbubuo ng sariling army kundi ang mga pulitiko.
Ayon sa PNP, nangunguna ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa maraming private armies. Sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi ay may 25 private armies. Tinatayang nasa 77 private armies ang kabuuang nasa ARMM. Sumunod ay ang Region 1 na may siyam na private armies; Ang Region 8 ay may walo; Region 2, anim; Region 6 at 4-A, lima; Region 5 at 7, tatlo; Region 3, dalawa; Region 13 at Cordillera Administrative Region, isa.
Nalalaman na pala ng PNP ang mga aktibong private armies kaya madali na nilang malalansag ang mga ito. Kumpiskahin ang mga baril ng mga grupo para masiguro na hindi magiging magulo ang 2013 elections. Huwag nang hayaang umabot pa sa madugo ang sitwasyon lalo na sa Maguindanao na magulo ang election. Sa nabanggit na lugar nagbuwis ng buhay ang 57 katao, kabilang ang 30 mamamahayag noong Nob. 23, 2009.