Dear Dr. Elicano, may nakapagsabi po sa akin na natalakay mo na ang tungkol sa colon cancer sa iyong colum. Pasensiya na po pero hindi ako nakabili ng Pilipino Star NGAYON nang malathala ito sapagkat binaha kami noon. Dumaan po ang habagat ng linggong iyon.
Nakikiusap po ako na ulitin ang iyong payo ukol sa colon cancer. Ano po ba ang sakit na ito at paano ito maiiwasan.
Nagpapasalamat po ako nang marami sa iyo Doktor. Sana marami ka pang matulungan. God Bless.”
— MARIDEL CRUZ, Bgy. Sta. Lucia, Novaliches, Q.C.
Natalakay ko na ang nga tungkol sa colon cancer. Nalatahala noong nakaraang Agosto at ang nagpadala ng katanungan ay si Mrs. NORA M. VILLAFRANCA ng Makiling St. Sampaloc, Manila.
Para sa iyo at sa iba pang mambabasa ng PSN, narito ang sagot ko ukol sa colon cancer:
Ito ay cancer sa malaking bituka. Kapag sinabing may cancer sa malaking bituka, apektado ang bowel movement o pagdumi. Malaki ang kaugnayan nito sa pagdumi. Kung hindi regular ang pagdumi o kaya’y nagbago ang tinatawag na bowel flora, nagpo-produce ito ng carcinogens sa ingested foods. Ang carcinogens ay cancer-causing substance or agent.
Sa pag-aaral, natuklasan na ang mga taong may ma-laking bowel polyps ay malaki ang panganib na magkaroon ng colon cancer.
Nade-detect ang cancer sa colon sa pamamagitan ng proctosimoidoscopy at colonoscopy. Ito ay ang paggamit ng fiber optics. Isang paraan din ay ang paggamit ng double contrast barium enema x-ray. Ang pagsusuri sa dugo na tinatawag na Carcino-embryonicantigen ay malaki rin ang naitutulong para ma-detect ang cancer sa colon.
Sa pagsasaliksik na ginawa sa Roosevelt Hospital sa New York City, isang cholesterol lowering medication ang natuklasang maaaring makatulong para mabawasan ang panganib sa pagkakaroon ng colon cancer. Ito ay ang pagko-combine ng aspirin at lo-vastatin na napatunayang nababawasan ng 86 percent ang panganib sa colon cancer.
Maiiwasan ang colon cancer kung ang diet ay maraming fibers sapagkat nakatutulong ito sa regular na pagdumi. Kumain ng mga sariwang gulay, prutas at karne.