Diskwalipikado sa SSS si Misis (Huling bahagi)
NOONG Hunyo 4, 2003, binasura rin ng SSC ang petisyon ni Tita. Ayon sa SSC, upang magkaroon ng karapatan sa death benefits ng asawang namatay, hindi lang kailangan na legal na asawa ang naghahabol nito kundi dapat din na “dependent” siya noong nabubuhay pa ito hanggang sa mamatay na ito. Dito ay walang kuwestiyon na si Tita ang legal na asawa. Kaya lang, hindi naman napatunayan na “dependent” siya alinsunod sa Section 8(k) ng SSS Law (RA 1161). Ang dahilan nga ay dahil labingpitong taon silang nagkahiwalay bago namatay si Ferdie at walang ebidensiya si Tita na nagpapatunay na umaasa lang siya sa suporta mula kay Ferdie. Kaya malinaw na hindi puwedeng ituring na “dependent” at may karapatan ng death benefits si Tita. Tama ba ang SSC?
TAMA. Upang maituring na pangunahing benepisyaryo ng isang SSS member, bukod sa kailangan na legal siyang asawa ng namatay, dapat din patunayan na “dependent” siya ng isang SSS member. Ito ang nakasaad sa Sec. 8 par. (e) and (k) RA 1161.
Totoo na hindi napatunayan ang pakikipagrelasyon ni Tita sa ibang lalaki. Pero bilang misis na hiwalay sa kanyang mister sa loob ng 17 taon bago ito namatay, malabo rin na sabihin na patuloy siyang umaasa sa pinansyal na suporta mula sa asawa kahit pa hiwalay na sila. Lalo at wala siyang ebidensiyang maipakita bilang patunay dito.
Sa kaso ni Tita, bukod sa sinabi niyang “dependent” siya sa asawa hanggang namatay ito ay wala na siyang isinumiteng sapat na ebidensiya tungkol dito. Malaki ang pagkakamali ni Tita nang maging kampante siya na sapat na ang pagiging legal niyang asawa para kampihan siya ng SSS. Sino man ang naghahabol ng death benefits ay kailangan munang patunayan ang kanyang karapatan
alinsunod sa batas sa pamamagitan ng matibay na pruweba at ebidensiya.
Puwede sana kung nagsumite si Tita ng mga salaysay mula sa iba’t ibang mapagkakatiwalaang tao na walang pakialam sa hinahabol niyang death benefits basta’t alam nila na noong naghiwalay ang mag-asawa ay walang maayos na trabaho o negosyo si Tita upang suportahan ang sarili at patuloy siyang umaasa sa kanyang mister kahit na hiwalay pa sila. Dahil sa hindi nga nakapagsumite ng katibayan si Tita upang patunayan ang patuloy niyang pagiging “dependent” hanggang sa namatay ang asawa, wala siyang karapatan na maghabol bilang pa-ngunahing benepisyaryo sa pagkamatay ng asawang si Ferdie (Social Security Commission vs. Favila, G.R. 170195, March 28, 2011, 646 SCRA 462).
- Latest