NAPANSIN nang marami na mainit si DILG Secretary Mar Roxas sa jueteng operations sa Pampanga pero malamig naman siya sa jueteng sa Metro Manila. Kaya tanong ng ilang kababayan natin, “may pinapaboran ba at kinikilingan si Mar?”
Kamakailan ay tinuligsa ni Roxas ang aniya’y laganap na operasyon ng jueteng sa Pampanga. Sinabi niya sa ipinatawag na regional peace and order council meeting sa Central Luzon na positibo siyang patuloy ang jueteng sa Pampanga. Meron daw siyang espiya na nagpanggap na mananaya.
Pero kakaiba naman ang pananaw ni Roxas sa jueteng sa Metro Manila. Aniya, hindi prayoridad ang pagsugpo sa jueteng operations sa Metro Manila dahil mas nakatuon daw ang DILG at PNP sa anti-crime. Teka, mahirap yatang unawain. Hindi ba krimen ang jueteng dahil ipinagbabawal ng batas?
At bakit pag-iinitan ang Pampanga pero maluwag naman ang patakaran sa Metro Manila kung ang illegal numbers game ang pag-uusapan?
Sa harapan mismo ni Pampanga Governor Lilia Pineda inihayag ni Roxas ang kanyang mahigpit na pagkontra sa jueteng. Open secret naman na si Gov. Pineda ay kabiyak ng sinasabing big-time jueteng operator sa probinsya na si Bong Pineda.
Pero ayon naman sa mga local at police officials sa Pampanga, walang jueteng sa kanilang lalawigan kundi Small Town Lottery (STL). Ang STL ay ang legalized na jueteng na dito’y dapat kumita ng malaking revenue ang pamahalaan.
Kaso, sa pag-iral ng tinatawag na STL, nagsulputan naman ang mga illegal bookies kaya nabale-wala rin ang intensyong mapunta sa pamahalaan ang kinikita sa numbers game.
Nagreklamo nga ang Suncove Corporation president Eder Dizon na nabawasan ang kita ng STL sa Pampanga dahil sa mga ‘illegal bookies’.
Kahit gawin pang legal ang jueteng, may magsusulputan pa ring illegal kasi sa legalized jueteng, marami ang mawawalan ng delihensya. Mula sa mga pulis at local officials at sa lahat ng tumatanggap ng “parating” mula sa mga “anak ng jueteng”.