KILALA ang EDSA sa buong mundo dahil sa makasaysayang naganap sa ating bansa noong panahon na nagkaisa ang mga Pilipino laban sa administrasyong Marcos.
Saksi ang EDSA sa lahat ng mga malawakang pag-aaklas ng ating mga kababayan para sa mas maayos at organisadong pagpapatakbo ng pamahalaan.
Ito rin ang pangunahing kalsadang tinatahak ng mga Pinoy papasok sa trabaho o upang makarating sa iba’t ibang siyudad ng Metro Manila.
Araw-araw, libu-libong sasakyan ang dumaraan sa EDSA mapa-pampubliko man ito o pribado.
Maliban sa motorsiklo, tanging mga sasakyan lamang na hindi bababa sa apat na gulong ang pinapayagang gumamit ng kalsadang ito.
Subalit sa bahagi ng EDSA kung saan matatagpuan ang GMA-Kamuning Station ng MRT, nakaagaw sa pansin ng BITAG ang mga animo’y ipis na sasakyang may tatlong gulong.
Ang mga naaktuhan naming tricycle, pumapasada at dumaraan sa EDSA. Hindi pa sila nakuntento, nagawa pa ng mga tricycle na magterminal sa ilalim ng istasyon ng MRT sa EDSA.
Kaya naman ang trapiko dito imbis na maiwasan, lalo pang nagsisikip dahil sa mga nakikisiksik at pakalat-kalat na ipis ng lansangan ng EDSA.
Subalit ilang metro lamang ang layo, matatagpuan naman ang isa sa mga post office ng Metro Manila Development Authority mula sa terminal.
Subalit ang nakapagtataka, hindi man lamang sila magawang sawayin ng mga MMDA enforcer.
Kaya tinatawagan ng pansin ng BITAG ang MMDA upang agad na malinis ang naturang kalsada nang hindi na muling ipisin pa. Kilos Pronto!
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.