Editoryal - Problema pa rin ang jueteng
MARAMI nang nagawang damage sa mamamayan ang illegal na jueteng. Marami nang nalulong sa sugal na ito at hanggang ngayon lulong pa rin sila. Nakanasayan na ng kanilang katawan at hindi na makaiwas pa. Hindi na kumpleto ang araw nila kapag hindi nakataya sa jueteng. Kaya kahit na ang hawak na pera ay pambili ng isang kilong bigas at isang latang sardinas, isasapalaran pa rin sa jueteng na kadalasan naman ay talo. Naghahangad na manalo para madoble ang pera.
Hindi mabuwag ang jueteng dahil pinuprotektahan ng mga PNP officials. Kumikita sila sa mga ito. Noong nakaraang buwan lang, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson, na maraming police official ang tumatanggap nang malaking halaga ng pera sa jueteng. Alam ito ni Lacson sapagkat siya ay dating hepe ng PNP noong panahon ni President Joseph Estrada. Ang jueteng scam din ang dahilan kaya nawala sa puwesto si Estrada.
Kung nakikinabang ang mga hepe ng pulisya sa jueteng, huwag nang asahan na masosolusyunan pa ang problema sa jueteng. Kahit pa nga binuwag pa ang Small Town Lottery (STL) at papalitan ng iba, hindi rin garantiya na mawawala ang problema sa illegal na sugal. Ang mangyayari, papalitan lamang ng pangalan, pero iyon din ang kalalabasan.
Nagalit si President Aquino kaya pinabuwag ang STL. Hindi raw epektibo ang eksperimento sapagkat lalo lang naging talamak ang jueteng. Ginawang front lamang ang STL pero ang illegal na jueteng pa rin ang nangibabaw. Ang nangyari, walang kinikita ang gobyerno at ang mga jueteng lord lamang ang nakinabang.
Isa sa maaaring solusyon para mabuwag ang jueteng ay ang pagsibak sa mga hepe ng pulis na walang kakayahang kontrolin ang illegal na sugal. Katulad ng ginawa sa hepe ng pulis sa Camarines Sur. Inalis ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome sa puwesto si Senior Supt. Ramon Ranara dahil sa kabiguan nitong patigilin ang jueteng sa CamSur. Bukod kay Ranara, anim na hepe pa ng mga bayan sa CamSur ang inalis sa puwesto.
Hepe ng pulis ang panagutin kapag may jueteng. Magandang paraan ito para lubusang mawala ang jueteng sa buhay nang mga Pilipino.
- Latest