HINDI pa nakakamtan ni Pio Balloguing ang hustisya sa kanyang kamatayan. Maaring sumuko ang kanyang umano’y gunman na si Orly Padillo subalit mabilis itong pinatawad ng kanyang nanay na si Pugo, La Union Mayor Noemi Balloguing at asawang municipal administrator na si Orlando Balloguing. Hindi matatahimik ang kaluluwa ni Pio hangga’t hindi lumalabas ang tunay na pangyayari sa pagpatay sa kanya noong nakaraang Mayo. Subalit hindi pa tapos ang laban. Sa kagustuhang mabatid ng sambayanan kung ano ba talaga ang tunay na dahilan sa likod ng kamatayan ni Pio, minabuti ng provincial CIDG na magsagawa ng parallel investigation at nakasuhan ang mag-asawang Balloguing, Padillo at dalawang iba pa.
Para magiyahan sila sa kanilang imbestigasyon, nag-file ng motion sa korte si Chief Insp. Cesar Paday-os, ng La Union CIDG para hukayin ang bangkay ni Pio para ipasailalim sa autopsy at physical examination. Kung gaano kabilis magsumite ng affidavit of desistance ang mga Balloguing, ganundin sila kabilis labanan ang paghingi ng pahintulot sa korte ng CIDG na hukayin ang bangkay ni Pio. May tinatago kaya ang mag-asawang Balloguing?
Sa kanilang pagtutol, iginiit ng mga Balloguing na hindi man lang sila kinunsulta tungkol sa motion ng CIDG bilang mga magulang ni Pio. Hindi nagpakita ng courtesy ang CIDG, anang abogado ng mga Balloguing. Sapat na umano bilang ebidensiya ang death certificate na inisyu ni Dr. Renato Difuntorum, ang municipal health officer na si Pio ay namatay sa “gunshot wounds.” Nagsumite rin ng papales ang mga Balloguing tulad ng police report, pagsuko ni Padillo, at iba pa. Iginiit pa ng mga Balloguing na ang proposed exhumation and conduct of an autopsy “to determine the cause of death of the victim is redundant, speculative and a clear case of fishing expedition resulting in the unmitigated desecration of the cadaver of the victim.” Ang maliwanag, anila, si Pio ay namatay sa gunshot wounds at wala nang iba pa. Ang exhumation at autopsy will serve no purpose other than fishing expedition dahil maging ang pamilya ni Pio ay ayaw nito. Ika nga, walang merito ang motion ni Paday-os, ani Lauro Gacayan, abogado ng mga Balloguing. Kung si Padillo ay negatibo sa powder burns at hindi naman nito isinurender ang baril na ginamit niya, “hindi si Padillo ang gunman?” Sino? Mabubulgar din ang lihim sa kaso ni Pio at mananagot ang dapat managot, para matahimik ang kanyang kaluluwa. Abangan!