Pahabain ang buhay tips (Part 2)
MAYROONG mga paraan para humaba ang ating buhay. Ito’y napatunayan na ng mga doktor at ibabahagi ko ito sa inyo:
1. Mag-ehersisyo – Ayon sa mga eksperto, kahit konting ehersisyo lang ay makatutulong na sa katawan. Maglakad, umakyat ng hagdan, at maglinis sa bahay. Kung nasa second o third floor ang iyong pupuntahan, subukang gumamit ng hagdanan. Ang pagiging malikot at magalaw sa pagkilos ay parang nag-e-ehersisyo na rin.
2. Mag-asawa o magkaroon ng kasama sa buhay – Tunay po iyan. Mas mahaba ang buhay ng mga may asawa kumpara sa mga nag-iisa. Bakit kaya? Dahil kung may asawa ka, may magbabantay sa iyo kapag ika’y nagkasakit. Mayroon ding hihingi ng saklolo kung may sakuna. At siyempre, iba pa rin ang may kausap at karamay sa iyong mga problema. Kaya huwag nang awayin si Misis o si Mister. Magbati at magmahalan na lang.
3. Mag-isip ng positibo (Positive thinking) – Magbasa ng mga libro na nagbibigay ng inspirasyon tulad ng mga gawa ni Norman Vincent Peale. Laging mag-isip ng maganda tungkol sa ating sitwasyon at sa ating kapwa. Magbasa o manood ng mga “good news” lamang sa peryodiko at telebisyon. Kung may suliranin ka, isiping malulutas mo rin ito. Huwag mawawalan ng pag-asa.
4. Tumulong sa kapwa – Ayon sa isang pagsusuri ni Professor Peggy Thoits ng Vanderbilt University, ang mga taong matulungin ay nagiging mas masaya at mas healthy kumpara sa iba. Tumataas kasi ang lebel ng endorphins sa katawan ng mababait na tao. Ang endorphins ay isang
kemikal sa utak na nagpapasaya sa atin.
5. Umiwas sa bisyo at peligro – Gamitin lagi ang utak. Huwag sumabak sa mga bisyo na makasasama sa iyo. Iwas sigarilyo, iwas alak at iwas drugs. Umiwas din sa mga delikadong gawain tulad ng paglabas sa hatinggabi, pagsakay ng motorsiklo, at pagsama sa masamang bar kada. Mag-isip muna bago magdesisyon. Tama ba ang gagawin ko o mali?
6. Mag-ipon ng pera – Kailangan kasi ng pera para makabili ng gamot, makapa-check up at makapagpa-laboratoryo. Kaila-ngan din maghulog sa PhilHealth o kumuha ng health card. Matutong mag-ipon para sa iyong kalusugan. Kumain nang tama. Maging maingat sa katawan para hindi na umabot sa sakit.
- Latest