KAY bilis ng panahon. Parang kahapon lang nang magdagsaan sa sementeryo ang mga kababayan natin ngayon paparating na naman ang Todos los Santos. Sa Huwebes na pala iyan! At matapos ang Undas, Pasko na namang muli!
Kung tutukoy tayo ng pook na pinakamasaya ang paggunita sa araw ng mga patay, wala nang uuna pa sa Maynila. Bisperas pa lamang ay tiyak nang magdadagsaan ang mga Manileño lalu na sa Manila North Cemetery.
Kaya itong kaibigan nating si Manila 1st district Rep. Benjamin “Atong” ay aariba na naman ang taunan niyang proyektong libreng sakay sa mga kababayan niya sa Tondo para maihatid ang mga ito sa sementeryo. Taun-taon naman kahit hindi mag-eeleksyon ay nakahiligan na ni Rep. Atong ang magsilbi sa mga taong papunta sa sementeryo kapag Undas. Konsehal pa lamang siya ay may ganyan na siyang programa kaya naman ina-appreciate siya ng kanyang mga constituents.
Hindi lang ihahatid sa sementeryo kundi susunduin pa kapag pauwi na.
Napansin ko lang na sa nakalipas na mga panahon sa administrasyong ito, dumadalas yata ang mga long weekends. Aba, pabor ito sa mga ordinaryong kawani dahil libreng bakasyon iyan. At kung magpasya naman silang pumasok, may overtime pay sila.
Pero siguradong ang aangal diyan ay ang mga korporasyong obligadong magbayad ng overtime pay sa kanilang mga kawani at kung hindi papasok ang mbga empleyado ay walang bawas sa kanilang sahod. Medyo mabigat iyan kung panay-panay at baka lang makaapekto sa mga employers.
Pero sa ating mga ordinary mortals, aba, welcome opportunity yan para makapagpahinga tayo at ma-recharge. Ngunit pagkatapos ng bakasyon grande, suklian naman sana ng ibayong sipag ang ating mga employers sa pamamagitan ng mas magandang performance.
Ilang araw na lang at long weekend na naman. O sige, enjoy tayo!