NAMAMAOS na si environment lawyer Tony Oposa sa pagpapaalala: Noon pang Marso 1989 ipinasa ang Republic Act 6716. Hangad nito na i-repair lahat ng balon sa bawat barangay. Mas mahalaga, maghukay ng rainwater collectors —ipunan ng tubig-ulan — sa bawat komunidad.
Ang unang pakay ng batas, mahigit dalawang dekada na ang nakalipas, ay magkaroon ng imbakan at reserbang tubig— inumin, panlaba, panglinis — ang bawat barangay. Wala itong pinagkaiba sa dekada-’50-’60, kung kelan ang ulan sa alulod ng mga bahay ay pinatutulo sa drum, ipunan ng tubig na pandilig sa hardin, panlinis ng kotse, at panlaba ng trapo.
Pero sa panahon ng malimit na bagyo at baha, kailangan ang rainwater collectors para isalba ang tao at kagamitan mula sa kalamidad.
Ano ba ang rainwater collector? Isa itong hukay, mga isa hanggang limang metro ang lalim, 20 metro kuwadrado hanggang ilang ektarya ang lawak, na ipunan ng tubig. Ito’y nasa pinaka-mababang bahagi ng barangay. Tuwing bubuhos ang malakas na ulan, dito dadaloy at maiipon ang tubig. Sa gan’ung paraan, maiiwasan ang baha na taon-taon ay pumipinsala sa daan-daang libong Pilipino.
May scientific reason ang barangay rainwater collectors. Maibabalik nito ang underground water o aquifer (na nauubos na dahil sa water pumps ng deep wells) kaya maiiwasan ang paglubog ng lupa.
Pero may praktikal na dulot ang rainwater collectors. Maari itong gawing isdaan — ng tilapya, hito, cream dory (panggasius), atbp. — para huwag pamugaran ng dengue mosquito. At dahil basa ang lugar, maari itong tamnan ng kangkong at alugbati.
Barangay Isdaan at Gulayan: BIG.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com