NGAYON ang Prison Awareness Sunday. Nawa’y ma-paglabanan nila ang lahat ng pagsubok sa buhay. Dito sa ating bansa, mahigit 50 percent ng mga bilanggo ay walang kasalanan. Patuloy natin silang ihingi ng liwanag sa Espiritu Santo upang gabayan ang kanilang buhay para sa kabutihan.
Sa pagdiriwang ngayon, sinugo ng Diyos si Israel upang iligtas ang kanyang bayan. Tinipon niya ang lahat ng may karamdaman at dinala sa bukal ng tubig upang pagalingin. At sa kadakilaan ng Diyos ay pumili Siya ng mga kalalakihan at itinalagang maglingkod sa Kanya. Sila ang naghandog ng mga kaloob at hain upang patawarin ang lahat sa kasalanan. “Ikaw ang aking Anak, Ako ang iyong Ama. Ikaw ay saserdote magpakailanman ayon sa pagkasaserdote ni Melkisedek” Sapagkat pinili ng Diyos ang mga saserdote (pari) ay lagi natin silang ipanalangin upang maging matatag sa kabanalan at tuparin ang aming mga tungkuling itinalaga ng simbahan.
Ang mga pari ay itinalaga ng Diyos upang tumulong kay Hesus sa pagpapatawad ng kasalanan at magbigay ng liwanag sa mga nadidiliman ng kasamaan. Si Hesus sa Kanyang pagpapagaling ay kanyang tuwirang inaasahan ang tunay na pananalig ng mga maysakit. Ipinakita ni Bartimeo ang kanyang tunay na pananalig kay Hesus upang siya ay pagalingin. Narinig ni Bartimeo, anak ni Timeo na naroon si Hesus at sumigaw siya: “Hesus, Anak ni David, mahabag Ka sa akin, ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus “Humayo ka, magaling ka na dahil sa iyong pananalig”.
Sa ating mga karamdaman at pagsubok, tularan natin si Bartimeo na hindi tumigil sa pagtawag kay Hesus. Kahit siya’y bulag, malakas ang kanyang hangarin na siya ay mapagaling. Nadama ko kay Bartimeo ang tibay ng pananalig kay Hesus.
Jer31:7-9; Salmo 126; Heb5:1-6 at Marcos10:46-52
* * *
Pagpalain ng Panginoon ang bagong kasal na sina Carlos Alcantara at Lea Gomera. Ikinasal sila sa Our Lady of Mount Carmel Church, Quezon City.