Salisihang sanggol
ANG paggawa ng batas ay hindi laging simpleng bagay. Noong iilan pa lamang ang populasyon sa mundo, napakadali ng lehislasyon dahil kakaunti pa ang suliranin ng mamamayan. Subalit nang pumutok ang populasyon, kasabay ang pagputok ng teknolohiya, sumabog din sa dami ang mga problema ng tao na kailangan ng pagsasabatas ng solusyon. Ang mga dating karaniwan lamang na usapang lalaki ay napalitan ng makapal na kontrata, ang simpleng krimen ay naging heinous crime at cybercrime, ang mga karapatang pantao ay nakipag-untugan sa obligasyon ng gobyerno. Ngayon na lamang eh – RH Bill, Sin Tax Bill, Freedom of Information Bill. Napakakumplikadong mga usapin na napapaloob din sa kumplikadong mga panukalang batas.
Gayon pa man ay hindi pa rin nawawala ang mga sitwasyon na humihingi rin ng simpleng solusyon, basta’t itoy gawin ng agaran. At malaking bagay para sa mamamayan na malaman nilang ang kanilang mga mambabatas ay maaasahan pa ring tumugon ng mabilis maging sa mga problemang malapit sa puso ng ordinaryong Pilipino, kahit hindi ito kasing lutang at sikat gaya ng mga nabanggit na panukala. Gaya na lamang nitong resolusyong pinanukala kahapon ni Gabriela party-list congressman Emmi A. De Jesus na tumatawag ng imbestigasyon sa dumadaming kaso ng baby snatching sa mga ospital. Sa rekord ng kapulisan ay napapadalas ang insidente ng salisihan ng bagong panganak na sanggol sa loob ng mismong mga ospital.
Ang krimeng ito ay hindi pa naman talamak. At dahil wala pang matatawag na “poster child” na kasong makatatawag ng pansin ng buong lipunan, hindi pa ito umaabot sa baitang ng mga RH Bill sa consciousness ng tao. Subalit sino mang makarinig at makaalam dito’y magkakaroon ng ma-tinding galit – yung uri na nanunuot sa buto. Hindi lamang ito krimen sa bata at sa kanyang magulang, ito’y krimen laban sa lipunan at sa sangkatauhan. Sa Amerika, ang ganitong kaso na nakatawag ng pansin ng mundo ay ang pagkidnap sa anak ng American hero na si Charles Lindbergh.
Salamat at naisipang umpisahan ni Cong. Emmi ang proseso upang maaga pa lamang ay matigil na ang ano pa mang paglala nito.
- Latest