‘Akyat-Bahay at Salisi Gang sa Undas’

DAGSA na naman ang mga kababayan natin sa mga sementeryo sa iba’t ibang panig ng bansa sa susunod na linggo.

Sa pagsapit ng araw ng mga patay, bahagi na ng kultura nating mga Pinoy na ipagdasal at alayan ng bulaklak at kandila ang mga namayapa na. Bilang paggunita sa kanilang mga naging papel sa buhay ng mga naiwan nakaugalian na natin ang pagdayo at pagbisita sa puntod ng ating mga mahal sa buhay.

Subalit lingid sa kaalaman ng nakararami, sa ganitong panahon din karaniwang aktibo ang mga sindikato tulad ng Akyat-Bahay at Salisi Gang.  Modus ng mga dorobong ito na maghanap ng mga bahay o establisimento na naiwang walang tao o bantay.

Estilo ng Akyat-Bahay Gang na samantalahin ang pagkakataon upang pasukin at pagnakawan ang kanilang target na bahay. Karaniwang mga bahay na naiiwang walang tao ang pinupuntirya ng mga putok sa buhong mga miyembro ng Akyat-Bahay.

Hindi naiiba rito ang estilo ng Salisi Gang kung saan mga establisimento at negosyo naman ang target nilang pagnakawan. Estilo naman nila na samantalahing abala o kunin ang atensiyon ng kanyang bibiktimahin bago isagawa ang masama nilang gawain.

Sa oras na malingat lamang ang biktima, mabilis ang mga kamay na pagnanakawan ito ng iba pang mga kasamahan niya.

Kahapon ay naging laman ng mga balita ang pagre-rekomenda ng Philippine National Police sa pagpapakabit ng Closed Circuit Television (CCTV) sa lahat ng mga esta­blisyimento sa buong bansa. Ayon kay PNP Chief Director

 

 

Gen. Nicanor Bartolome, layunin nito na mabawasan ang dumaraming insidente ng pagnanakaw sa ating komunidad.

Malaking tulong din ito upang mapabilis ang pagtukoy sa krimen na kaila-ngang maibestigahan ng mga operatiba.

Payo ng BITAG sa ating mga kababayan na bago pa man may mangyaring pagnanakaw sa inyong mga bahay o establisimento, la-ging maging handa.

Kung hindi maiwasang iwan ang bahay o establisimento ng walang bantay, ikandado itong mabuti at itago sa ligtas na lugar ang inyong mahahalagang kagamitan. Makakabuti rin kung ihahabilin sa kakilala o maaaring sa kapitbahay ang pagtingin o pagsilip sa inyong lugar habang wala kayo.

Aktibo ngayon ang mga sindikato ng Akyat-Bahay at Salisi kaya’t doble ingat ang kinakailangan dahil hindi mo nalalaman, baka sa susunod, ikaw naman ang matyempuhan nila at matipuhang pagnakawan.

* * *

Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

 

Show comments