NAKALABAS na sa Mubarak Al-Kabeer Hospital ang Pinay na ginahasa at pinagsasaksak ng isang Kuwaiti police noong Okt. 1.
Noong nasa ospital ang Pinay, pumunta roon si Sheikha Fawzia Al Sabah, miyembro ng Kuwaiti Royal Family at kilalang human rights lawyer at nag-alok ng libreng legal services. Pero ayon sa ilang concerned OFWs, binalewala ni Philippine Embassy-Assistance to the Nationals Unit (ATNU) chief Jack Tanandato ang alok ni Sheikha at sa halip ay mas gusto nitong humawak ng kaso ang isang Atty. Ayed Subabtei.
Pinuna nila ang mga sumusunod na pangyayari: 1) sa halip na ang Philippine Embassy ay si Atty. Ayed ang naglabas kay Marissa sa ospital; 2) alas dos ng hapon ito inilabas sa ospital pero 7 p.m. pa ito dinala sa POLO-OWWA; 3) nag-request si Sheikha Fawzia na makausap ang Pinay. Sinabi sa kanya ni Tanandato na magpunta siya nang 11 a.m. ng Linggo, pero 9 a.m. ay agad dinala ni Atty Ayed ang Pinay sa hukuman upang iparehistro siya (Atty. Ayed) bilang abogado sa kaso.
Nanawagan sila sa mga otoridad na: 1) irespeto ang pagpili ni Marissa ng abogado, partikular si Sheikha Fawsia; 2) alamin ang statistics ng Pinay rape cases sa Kuwait, ano ang status ng mga ito at ilan dito ang inareglo; 3) alamin ang record ni Atty. Ayed bilang “taga-handle” ng ATNU sa Pinay rape cases at imbestigahan ang impormasyong kumukulekta ito ng 30% sa bawat kasong naipaaareglo.
Tiniyak ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na tututukan niya ang usaping ito.
* * *
Happy b-day: Tuguegarao Archbishop Diosdado Talamayan (Oct. 19); Buhay party-list Rep. Mariano Michael Velarde, Jr., Negros Occ. Rep. Mercedes Alvarez at Sevilla, Bohol Mayor Ernesita Digal (Oct, 20).