Pakanang paglito sa botante, naudlot

DAGUPAN City -- Nagulat si Vice Mayor Belen Tan Fernandez nang patungo sa Comelec office para mag-file ng kandidatura bilang mayor. Umano, may nag-file na para sa kanya. Natuklasan niya na ang naunang nag-file ay isang Belen Tamondong Fernandez, 66. Isa itong mahirap at payat na taga-baryo, bagito sa pulitika, na kumikita sa manaka-nakang buy-and-sell ng kung anu-ano. Mas bata, matangkad, at kilalang negosyante si Vice Mayor Belen.

Dinumog ng newsmen ang di-kilalang Belen. Sa gulat at kaba sa mga tape recorder at video camera na nakatutok sa mukha niya, napaamin si Belen II ng kagila-gilalas na katotohanan. Inudyukan lang umano siya kumandidato bilang mayor para lituhin ang mga botante. Kasi, parehong lilitaw sa automated ballot ang pangalan ng dalawang Belen Fernandez. Maguguluhan ang botante kung sino sa dalawa ang totoong nais nila ihalal. Hindi naman nila memoryado kung sino ang may middle name na Tan at sino ang Tamondong.

Ang nag-udyok umano sa kanya, ani Belen II, ay isa ring mataas na halal na opisyal ng lungsod. Pinangakuan siya ng groceries, pera, at house-and-lot kapag maipatalo niya ang kapangalang Vice Mayor.

Sa huli, dahil nakonsensiya, umatras si Belen-II. Aniya sa isang affidavit, wala siyang tunay na intention, ni kakayahan, para tumakbo bilang mayor.

Kaya ngayon, one-on-one ang labanan para mayor: nina Vice Mayor Belen Fernandez at reelectionist Mayor Benjie Lim. Labanan ito ng mall moguls, ani Philippine STAR reporter Eva Visperas. Kasi sina Belen at Lim ay may-ari ng dalawang magkatunggaling pinaka-malalaking mall chains sa Pangasinan.

* * *

 Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments