^

PSN Opinyon

Kaso ng building contractor

IKAW AT BATAS - Jose C. Sison -

CONTRACTOR si Rolly sa ilalim ng kompanya niyang DBC. Kinontrata siya ni Lino upang gumawa ng gusali.  Nang hindi magawa ang napagkasunduan, idinemanda ni Lino si Rolly. Upang matapos na ang usapin, nagka­sundo ang dalawa na tatapusin ni Rolly ang gusali sa loob ng 75 araw samantalang babayaran naman ni Lino ang balanseng P570,000. Napagkasunduan na P370,000 ang ibabayad sa ikalimang araw mula sa petsa na aprubahan ng korte ang kasunduan.  Tutugma naman ito sa umpisa ng 75 araw na palugit. Ang P200,000 naman ay ibibigay oras na matapos ang proyekto. Pumayag din si Rolly na kumuha ng performance bond bilang garan­tiya. Ito ang sasagot kung sakali at hindi matapos ang proyekto sa loob ng 75 araw.

Nakasaad din sa kasunduan na mananagot ang sinu­man sa magkabilang panig na hindi makakatupad sa kasunduan. Inaprubahan ng korte ang kasunduan at ang desisyong ginawa ay ayon sa gusto ng magkabilang panig.

Kumuha ng piyansa si Rolly mula sa CBIC.  Ang asawa ni Rolly na si Tita pati na ang tatlo nilang empleyado ang tulung-tulong na gumarantiya para sa piyansa.

Muli, hindi nakatupad si Rolly sa usapan. Nagmosyon si Lino upang hilingin sa korte na ipatupad ang napagka­sunduan. Pati ang CBIC ay pinadalhan ng kopya. Humi­ngi ng rekonsiderasyon si Rolly ngunit ipinaalam pa rin sa CBIC ang nangyari. Humingi naman ng 10 araw ang kom­panya upang aregluhin ang kaso. Panibagong mosyon naman ang isinampa ni Rolly sa korte. Hiningi naman ng CBIC na itigil muna ang implementasyon ng desisyon dahil wala pang sagot ang korte sa mga mosyon ni Rolly. Kala­unan, napilitan pa rin na magbayad ang CBIC. Dinemanda naman ng CBIC sina Rolly, Tita at ang tatlo pa nilang empleyado.

Ayaw magbayad nina Rolly. Hindi raw sila dapat mag­bayad sa CBIC dahil kusang nagbayad ang kom­panya. Kung hindi raw ito nagbayad, baka naremed­yuhan pa ang nangyari. Ang CBIC lang daw ang dapat magdusa. Tama ba sila?

MALI.  Nang magkasundo ang dalawang partido na tapu­sin na ang asunto sa korte at nang magkaroon na ng desisyon na pabor sa nasabing kasunduan, nanga­nga­hulugan na isinusuko na nila ang kanilang karapatan na mag-apela sa naging desisyon ng korte. Ang desisyon tungkol sa napagkasunduan ay pinal na. Tama ang ginawa ng korte nang tanggapin nito ang mosyon ni Lino at nang mag­labas ito ng utos upang ipatupad ang na­sabing kasunduan.

Kasalanan na ni Rolly kung bakit hindi natapos sa takdang panahon ang proyekto. Dapat niyang tanggapin ang lahat ng obligasyong kaakibat nito.

Ang pagbabayad ng CBIC ng P370,000 kay Lino ay nararapat lamang. Ang hindi pagsunod ng CBIC ay manga­ngahulugan ng malinaw na pagsuway sa kautusan ng korte. Kaya sa parte naman nina Rolly, Tita at sa tatlo nilang empleyado, dapat na bayaran nila ang CBIC sa halagang ibinayad ng kompanya kay Lino (Diamond Builders et. al. vs. Country Bankers etc. G.R. 171820, December 13, 2007).

CBIC

KORTE

NAMAN

ROLLY

SHY

TITA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with