NAMUMUKOD na leksiyon sa law enforcement ang pagtugis ni Chicago prosecutor Eliot Ness kay Mafia gangster Al Capone nu’ng 1920s. Open secret noon sa siyudad na si Capone ang may pa-bookies, pa-prostitution den, at nagpapasok ng bawal ng alak at droga. Pero walang ebidensiyang makuha ang mga awtoridad dahil pulido ang operasyon ni Capone. Hindi siya direktang nagpapatakbo ng mga ilegal na negosyo; ina-assign sa mga ayudante. Nambabalato siya ng ilegal na kita sa mga maralita sa Chicago, at nanunuhol ng mga pulis at huwes, kaya walang nagsuplong sa kanya.
Inisip ni Ness mabuti kung saan mabubutasan si Capone. At napansin niyang high living ito: magara ang kotse’t mga damit, marami at malalaki ang mga bahay; malakas gumastos sa kainan at nightclub, aba’y pera pa ang ipinansisindi ng tabako. Jackpot, ani Ness, nang maisip na dapat malaking buwis ang ibinabayad ni Capone sa gan’ung lifestyle. Pero nang i-check sa Internal Revenue Service, wala itong binayaran ni isang sentimo. Hayun, hinuli ang accountant ni Capone at binantaan ng kasong pagsabwat sa tax evasion at aalisan ng lisensiya. Sa takot ng accountant, isinurender sa pulis ang blue ni Capone – listahan ng mga opisyales na regular tumatanggap ng lagay. Kumolapso ang mga raket ni Capone at nakulong siya sa pandaraya sa buwis.
Hindi kailangan mahuli sa akto ang kriminal para maipakulong. Mas mahaba sana ang sentensiya kay Capone kung sa kasong droga, alak, sugal at prostitution siya hinabla. Pero katuwiran ni Ness, maipakulong lang miski sandali, sapat na para gibain ang Mafia. ‘Yon nga ang nangyari.
Sa paghuli ng mga tiwaling opisyal, hindi rin kailangan maaktuhan sa paghingi o pagtanggap ng suhol. Kapag pinabagal niya ang pagpirma sa papeles para paluhurin ang nagta-transact ng negosyo sa ahensiya, kaso na ng kapabayaan. Kapag hindi tugma ang lifestyle niya sa legal na kita, sabit sa ostentatious living. At kapag may itagong yaman, imbis na ilahad sa taunang Statement of Assets and Liabilities, kaso rin ng pagbubulaan. At kung may real estate, i-check lang ’yung tamang buwis ang binayaran.