Dalawang buwan lamang sa isang taon ang bakasyon ni Greg at sa panahong ito ay nakapagpatayo sila ng sariling bahay at nagkaroon ng apat na anak na lalaki.
Makalipas ang halos 10 taong pagsasama, lumabas ang tunay na kulay ni Greg. Iresponsable ito. Naglalasing. Madalas nitong bugbugin si Lydia. Minsan ay hinabol si Lydia ng shotgun at binantaang papatayin. Pati mga anak ay sinasaktan ni Greg. Minsan ay lumayas na ang mag-iina subalit bumalik din.
Isang umaga, muling binugbog ni Greg si Lydia na nagtagal ng isa at kalahating oras. Lumayas ang mag-iina. Nagsampa ng kasong slight physical injuries sa Metropolitan Trial Court si Lydia laban kay Greg at isang petisyon para sa declaration of absolute nullity of marriage sa Regional Trial Court. Iginiit niya ang psychological incapacity ni Greg.
Nahatulan ng MTC si Greg sa salang physical injuries at nakulong ng 1 araw. Samantalang ideneklara ng RTC na walang bisa ang kanilang kasal sa simula pa base sa psychological incapacity ni Greg kung saan ito ay iresponsable at hindi ganap ang aspetong emosyonal.
Isinantabi ng CA ang desisyon ng RTC. Ayon sa CA, hindi napatunayan ni Lydia na 1) Si Greg ay nagpakita ng senyales ng (mental incapacity) o kawalan ng kakayahang mental para tuparin ang obligasyon nito bilang asawa; 2) Ito ay grabe, walang lunas at kundisyon na bago pa man sila ikasal; 3)Ang pagiging iresponsable ni Greg sa kanyang obligasyon bilang asawa ay sanhi ng inkapasidad sa pag-iisip at hindi pisikal na karamdaman; 4) Na ang ugat ng nasabing inkapasidad ay natukoy at napatunayan base sa medikal na pagsusiri ng isang eksperto; at 5) Ang inkapasidad ay permanente na at walang lunas. Tama ba ang CA?
TAMA. Ang psychological incapacity ay isang mental (hindi pisikal) na inkapasidad kung saan ang isang partido ay hindi kayang isakatuparan ang mga kasunduan ng matrimonyo tulad ng obligasyon ng mag-asawa na mamuhay na magkasama, isaalang-alang ang paggagalangan at pagiging matapat sa isat isa at pagbibigay ng tulong at pagkahinga sa bawat isa (Article 88, Family Code).
Nakakaawa ang kaso ni Lydia subalit ang ating batas ay matibay sa posisyon nitong sagipin pa ang nasabing kasal (Pesca vs. Pesca G.R. No. 136921 April 17, 2001, 356 SCRA 588).