Ang banggaan ay nagresulta sa pagkamatay ng pasaherong si Dolfo. Si Amy biyuda ni Dolfo ay nagsampa ng reklamong bayad-pinsala laban kay Milo at Jun bilang may-ari at driver ng jeepney. Kasama rin niyang sinampahan ng reklamo ang may-ari at driver ng press delivery van.
Itinanggi nina Milo at Jun ang kanilang pananagutan dahil ang press delivery van daw ang pinagsimulan ng banggaan dahil binangga ng kaliwang bahagi ng van ang huling kaliwang bahagi ng jeepney. Tama ba sila?
Mali.
Ang banggaan ay dahil sa kapabayaan ni Jun na umaming nag-overtake siya nang huminto ang Fiera sa kurba at nakita rin niya ang pagdating ng press delivery van sa kabilangn direksiyon. Ito ay isang malinaw na paglabag sa Land Transportation and Traffic Code. Ayon dito, bago mag-overtake ang isang driver, kailangan niyang alamin na walang hadlang sa kanyang dadaanan at magagawa niya ito ng ligtas. Lalo pa sa isang papalapit na kurbang daanan, kailangan na manatili sa kanang daanan kahit na may sapat na panahong makakabalik dito kapag nag-overtake (Section 41 (a)(b) RA 4136).
Ang kapabayaan ni Jun ay magbibigkis kay Milo dahil siya ang may-ari ng jeepney na isang sasakyang pampubliko. Nararapat na ihatid ng isang sasakyang pampubliko ang mga pasahero nang matiwasay hanggang sa makakayang ingat at pananaw ng tao, na ginagamit ang pagsasaalang-alang ng lahat (Art. 1755, Kodigo Sibil). At kung namatay o masugatan ang mga pasahero, ang sasakyang pampubliko ay ipalalagay na nagkasala, o naging pabaya, maliban kung kanilang mapatunayan na gumawa sila ng di-karaniwang pag-iingat (Art.1756, Kodigo Sibil). Sina Milo at Jun ay magbabayad ng bayad-pinsala kay Amy kasama na ang loss of earning capacity at attorneys fees (Mallari Sr. et. al. vs. CA et. al. G.R. No. 128607, January 31, 2000).