Caretaker ng palengke, inatado ng helper

MANILA, Philippines — Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang caretaker ng Litex Market ng isang helper ng nabanggit na palengke kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa Rosario Maclang Bautista General Hospital ang biktimang si Federico Bernardo Castro, Jr., 54, alyas Ogie habang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na si Adrian Rendiza, 27, alyas Amboy, stay in worker sa nasabing palengke.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang krimen bandang alas-10 ng gabi nitong Lunes sa harap ng stall G-21 Litex Market, Brgy. Commonwealth, Quezon City
Ayon sa saksing si “John”, abala siya sa kanyang tindahan nang marinig ang boses ng biktima na humihigi ng tulong. Nang kanyang lapitan ang biktima, nakita rin niya ang suspek na armado ng kutsilyo at balisong na walang tigil na sinasaksak ng paulit ulit ang una sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na humingi ng responde si John at dumating ang mga pulis na sina PCpl Raymundo Oscar Lavarias Veniegas at PCpl Albert Espino, mula sa PS-6, QCPD at inaresto ang suspek na nagtangka pang tumakas. Nakuha sa suspek ang kutsilyo at balisong.
Lumilitaw na binebenta ng suspek ang kanyang bisikleta sa biktima na sumagot ng “pagtumama ako sa lotto” na hindi nagustuhan ng una.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang motibo sa krimen.
- Latest