Maynilad palalakasin Fire prevention, emergency response ngayong summer
MANILA, Philippines — Higit pang palalakasin ng West Zone concessionaire na Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) ang fire prevention at emergency response measures ngayong panahon ng tag-init kung saan nasa 4,500 fire hydrants na kanilang pinangangasiwaan ang tiniyak na maayos, may tubig at regular na naiinspeksiyon.
Nagbibigay rin ng tulong ang Maynilad sa Bureau of Fire Protection (BFP) at local government units (LGUs) sa pamamagitan ng hydrant location maps, pagmonitor sa water pressure at fire sites, at pag-maintain sa direct communication lines sa emergency responders.
Para mapalakas pa ang emergency response, sumasama ang Maynilad sa joint inspections ng BFP, namamahagi ng hydrant keys para sa mabilis na access ng firefighters at nagdi-deploy ng water tankers sa lugar na nangangailangan ng dagdag suplay ng tubig.
Mayroon ding fire trailers ang Maynilad na nakadisenyo sa mga makikitid na kalsada na hindi napapasok ng mga firetrucks. Bawat trailer ay may 20-meter adjustable hose, solar-powered lights, at five-horsepower pump na kayang magbuga ng tubig ng hanggang 70 feet at kayang umabot ng hanggang ikapitong palapag ng gusali.
Una nang nag-donate ang Maynilad ng limang 1,000-liter fire trailers sa mga komunidad sa Muntinlupa, Parañaque, Las Piñas, Pasay, at Imus sa Cavite.
- Latest