45-day benefit limit, inalis ng PhilHealth
MANILA, Philippines — Upang higit pang paghusayin ang kanilang serbisyo sa kanilang mga miyembro, inalis na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang ipinaiiral nilang 45-day benefit limit.
Sinabi ni PhilHealth president at CEO Edwin Mercado na ang naturang 45-day benefit limit ay isa nang ‘outdated cost-containment strategy’ kaya’t nagpasya silang alisin na ito.
Kasabay nito, binigyang-diin din niya ang pangangailangan na ikober ang higit sa 45 araw, para sa ilang kondisyon.
“Naiintindihan natin kung bakit ito (benefit limit) inilagay noon, ngunit, sa pagbabago ng ating payment mechanism, napapanahon na rin talagang repormahin ito,” ani Mercado.
Kaugnay nito, nagpasalamat din si Mercado sa PhilHealth Board para sa pag-apruba sa naturang policy update.
Aniya pa, upang matiyak naman ang responsable at epektibong implementasyon ng bagong polisiya, masusing imomonitor ng PhilHealth ang patient admissions, readmissions, at paggamit ng benepisyo na lampas ng 45 days.
Ang health facility compliance sa clinical standards at reimbursement rules ay ia-assessed rin sa pamamagitan ng Health Care Providers Performance Assessment System (HCPPAS).
- Latest