Maalagang Las Piñas isusulong ng mayoralty bet
MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, inilahad ni Las Piñas mayoral candidate Carlo Aguilar ang mga plano para gawing mas ligtas at mas maalaga ang lungsod sa mga kababaihan, lalo na sa usapin ng kalusugan, seguridad, at suporta sa pangangailangan nila.
Ayon kay Aguilar, nasa 20 ang barangay sa lungsod subalit isa lamang ang lying-in center kaya malayong matugunan ang pangangailangan ng mga ina.
Sakali aniyang mahalal, tiniyak ni Aguilar na aaksyunan ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng moderno at kumpletong “maternity facilities” sa bawat distrito ng lungsod.
Sinabi pa ni Aguilar na matagal na niyang hangad na magkaroon ng sariling lying-in clinic ang bawat barangay upang masiguro ang de-kalidad na pangangalaga para sa mga buntis.
Bukod sa pangangalaga sa mga ina, tututukan din ni Aguilar ang lumalalang kaso ng maagang pagbubuntis sa mga kabataan kaya dapat na palakasin ang edukasyon at kampanya sa reproductive health.
Ibinunyag din nito ang kanyang pag-aalala sa tumataas na kaso ng karahasan laban sa kababaihan sa lungsod kaya dapat paigtingin ang kampanya laban sa gender-based violence at tiyakin na may sapat na suporta para sa mga biktima.
Ipinangako ni Aguilar ang pagpapalakas ng Women’s Crisis Center ng Las Piñas sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malawak na serbisyo tulad ng counseling, legal assistance, at livelihood training programs—upang matulungan ang mga kababaihang makabangon at muling maging malaya.
- Latest