Comelec sisimulan na Oplan Baklas, kampanya larga na
Campaign poster sa mga bawal na lugar
MANILA, Philippines — Sisimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang programang Oplan Baklas laban sa mga naglalakihang campaign posters ng mga kandidato at wala sa common posters area kasunod na rin ng pagsisimula ng campaign period para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, may inilabas naman silang guidelines gayundin ang mga lugar kung saan maaari lamang magkabit ng kanilang campaign materials ang mga kandidato. Aniya, may mga kandidato na wagas kung makapagkabit ng poster sa puno na isa sa kanilang ipinagbabawal. Sa halip ay hinikayat ni Garcia ang mga kandidato na gumamit ng environmental-friendly campaign materials upang protektahan ang kalikasan.
Nabatid kay Garcia, lumikha na ang poll body ng committee on environmentally sustainable elections upang maisulong ang paggamit ng environmental-friendly campaign materials dahil nais nilang protektahan ang kapaligiran.
“’Wag gagamit ng non-biodegradable materials, ‘yung mga plastic o ‘yung mga na tarpaulin. Hangga’t maaari, ‘yung biodegradable, ‘yung pupuwede nating matunaw at magamit muli,” paalala pa ni Garcia, sa panayam sa Super Radyo dzBB kahapon.
Samantala, simula na bukas ang campaign period para sa mga tatakbo sa national positions, kabilang ang senador at partylist group habang sa Marso 28 naman sa mga tatakbo sa local positions, kabilang dito ang mga miyembro ng Kongreso, provincial, city at municipal officials.
Ayon sa Comelec, magtatagal ang panahon ng kampanyahan hanggang sa Mayo 10 lamang o dalawang araw bago ang election day sa Mayo 12. Nagpaalala naman ang Comelec sa mga kandidato na hindi maaaring mangampanya sa Huwebes Santo, Abril 17, at Biyernes Santo, Abril 18.
- Latest