MANILA, Philippines — Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang Balikbayan Boxes galing Canada na naglalaman ng kush o dried marijuana leaves na nagkakahalaga ng P39 milyon.
Ang Balikbayan Box ay galing Canada at dumating sa Manila International Container Port (MICP). Una nang nakatanggap ng derogatory information ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) na humihiling ng pagsasagawa ng verification at inventory procedures sa nasabing kargamento.
Ayon sa inspection team ng BOC at mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga marijuana ay nakalagay sa 108 piraso ng vacuum-sealed pouches.
Nakadidismaya ayon kay BOC Commissioner Bien Rubio na ang Balikbayan Boxes na simbolo ng sakripisyo ng mga Pinoy sa ibang bansa ay ginamit upang makapagpuslit ng illegal drugs.
Samantala sinabi ni CIIS Director Verne Enciso na ang Balikbayan Boxes ay ipinadala sa pamamagitan ng U Mac Forwarders Express Inc. ng isang nagngangalang Riza Munar mula Vancouver, Canada at naka-consign sa isang John Paul de Leon ng San Mateo, Rizal.
Idineklara ang kargamento na naglalaman ng used household goods at personal effects.
Sinabi naman kay CIIS-MICP chief Alvin Enciso, ang unang box ay may lamang 56 vacuum-sealed plastic pouches ng kush at isang plastic container ay may lamang 60 unidentified tablets.
Ang ikalawang box ay may lamang 52 vacuum-sealed plastic pouches ng kush. Ang mga consignees, senders, at recipients ng kargamento ay mahaharap sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.