P2.7 bilyong dried ‘mango-shabu’ nasabat ng BOC
![P2.7 bilyong dried ‘mango-shabu’ nasabat ng BOC](https://media.philstar.com/photos/2025/02/06/1_2025-02-06_23-22-37.jpg)
MANILA, Philippines — Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P2.7 bilyong halaga ng shabu na itinago sa packaging ng dried mango sa Port of Manila.
Ang kargamento ay galing Pakistan at ipinadala ng kumpanyang Ayan Enterprise/Trading & Logistics at naka-consign sa Redshinting Consumer Goods Trading.
Kinilala ang mga suspek na sina “Oscar”, consignee; “Kevin” at “Richard”, kapwa Customs Broker; “June” ng Ark Global Movers, forwarding company at “Rey”, President ng nasabing kumpanya.
Sa joint press conference na isinagawa sa National Bureau of Investigation (NBI), Dangerous Drugs Division (DDD), Organized and Transnational Crime Division (OTCD) ng NBI, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at BOC, nabatid na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa foreign counterpart hinggil sa shipment ng iligal na droga na galing sa Karachi Pakistan noong huling linggo ng Enero, 2025.
Natunton ng pinagsanib na pwersa ang lokasyon ng container cargo sa Las Piñas at natuklasan sa pagbusisi na 58 kahon ay naglalaman ng kabuuang 404.9515 kilo ng shabu na itinago sa mga produktong vermicelli, custard at organic dried mangoes.
Nagsagawa ng examination sa shipment na idineklarang naglalaman ng food items at sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang tinatayang halaga ng droga.
Una nang humiling ng alert order ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) para sa nasabing shipment matapos makatanggap ng derogatory information mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay BOC Commissioner Bien Rubio, maituturing itong kauna-unahang major drug haul ngayong taon.
Sinabi naman ni CIIS Director Verne Enciso, natanggap nila ang impormasyon sa nasabing kargamento mula sa kanilang counterparts kaya ito isinailalim sa 100 percent physical examination.
Isinailalim na sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Section 4 ng RA 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest