MICT investments tuluy-tuloy sa kalakalan, pagseserbisyo

MANILA, Philippines — Patuloy ang pamumuhunan ng Manila International Container Terminal (MICT), ang flagship ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) na pinakamalaki at pinaka-advanced na container terminal sa Pilipinas upang mas makapagserbisyo sa mas lumalawak pang kalakalan.

Kabilang sa pamumuhunan ng MICT ay ang  pagpapalawak at pagpapabuti ng terminal sa pamamagitan ng infrastructure, modernong kagamitan at digital transformation para sa mas malawak na kalakalan.

Dahil sa mataas na pangangailangan, kasaluku­yang itinatayo ng MICT ang Berth 8 na nakalaan sa mga ‘ultra large container vessels’ na may 18,000 TEUs capacity. Ito ay magdaragdag ng 200,000 TEUs sa kapasidad na maaa­ring humawak ng hanggang 3.5 milyong TEUs kada taon.

Dagdag ding espasyo sa bakuran ang itinatayo upang suportahan ang bagong pantalan at mapabuti ang galawan sa terminal.

Samantala, bilang bahagi ng sustainability strategy, tiniyak din ng MICT na kanilang isinasaalang-alang ang paggamit ng hybrid at near-zero emission (NZE) equipment sa kanilang mga operasyon.

Kamakailan ay nagdagdag ito ng walong NZE rubber-tired gantries, na bahagi ng isang fleet na ngayon ay 83 porsiyentong hybrid.

Kasalukuyang pinaplano rin ang pagbili ng electric trucks at ang pagtatayo ng EV charging infrastructure upang higit pang mabawasan ang carbon emissions.

Nangako ang ICTSI na babawasan ng 26 porsiyento ang greenhouse gas emissions kada container move at makamit ang net-zero emissions pagsapit ng 2050.

Kabilang sa mga bagong kagamitan na idinagdag sa terminal ang 43 terminal trailers, 17 skeletal trailers, at 11 tractors.

Inilunsad din ng MICT ng mga digital solutions, kabilang ang ICTSI App, para sa real-time tracking barko, container, truck at automated billing computation at electronic interchange receipts gayundin ang E-wallet payments.

Show comments