Amoranto Stadium, ballot verification site ng Comelec

MANILA, Philippines — Gagamitin ng Commission on Elections (Comelec) ang Amoranto Stadium sa Quezon City bilang karagdagang site para sa manual verification sa 72 milyong printed official ballots para sa May 12, 2025 National and Local Elections.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, na libreng ipapagamit sa kanila ng Quezon City Government ang naturang stadium.

“Ipapahiram samin ang Amoranto Stadium ng local government unit ng Quezon City for free. Mukhang kinakailangan namin i-transport ang mga printed na balota…dun sa Amoranto para dun ilagay ang ibang machines, ibang tauhan na idaragdag namin para mas mapabilis ang verification,” ayon pa kay Garcia.

Sinabi pa ni Garcia na magde-deploy sila ng mga security personnel at pahihintulutan din ang media na bumisita at mag-inspeksiyon doon.

Kakailanganin din aniya nila ng karagdagang personnel upang mapabilis ang ballot verification. Hanggang nitong Pebrero 5, mahigit sa 13 milyong balota na ang natapos iimprenta ng Comelec.

Paniniguro pa ng poll chief, nananatili silang on track sa kanilang April 14 deadline upang matapos ang ballot prin­ting.

Show comments