MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang Chinese nationals at 167 Filipino sa opisina o ‘love scam hub” na gumagamit ng AI sa modus, sa pagsalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Makati City, nitong Martes.
Sa pagsisilbi ng search warrants, kasama ng mga operatiba sina NBI Director Jaime Santiago at NBI National Capital Region (NBI-NCR) Director Ferdinand Lavin na mismong nakasaksi sa aktuwal na operasyon kaugnay sa pambibiktima sa pamamagitan ng pag-iinvest ng cryptocurrency ng mga mamamayan sa bahagi ng Europa at Middle East.
“Pag na-entice na nila ‘yung victim, ‘yung next operation, kukunin na nung foreign operators ‘yung susunod na transaksyon, which will lead to the releases of..a ‘yung pera,” ani Lavin.
Nakumpiska ang daan-daang cellphones na may unregistered sim cards, desktop computers na pawang may nakaprogramang mga script gamit sa panghihimok na mag-invest ang mga biktima.
Sa footage sa ginawang pagsalakay, sinubukan pa ni Dir. Santiago na tumapat sa computer na ang mismong mukha niya ay na-transform sa isang magandang babae, gamit ang AI image generator.
Posibleng isampa laban sa mga suspek ang mga reklamong paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act at Cybercrime Prevention Act.