Lalaki tinarget sa ulo habang naglalakad, todas

Binawian ng buhay ­habang nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital ang biktimang si alyas “Daniel|, residente ng Calamba City, Laguna.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patay ang isang 50-anyos na lalaki matapos barilin sa ulo ng ‘di pa tukoy na gunman habang naglalakad sa Taft Avenue, ilalim ng Bacla­ran-LRT station, Lunes ng gabi, sa boundary ng Parañaque-Pasay City.

Binawian ng buhay ­habang nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital ang biktimang si alyas “Daniel|, residente ng Calamba City, Laguna.

Sa ulat ng Pasay City Police-(Baclaran) Sub-station 5, alas-7:58 ng gabi nang maganap ang insidente ng pamamaril sa Taft Avenue Extension, Pasay-Parañaque Boundary, sakop ng Barangay 145, Zone 16, Pasay City.

Dalawang vendor ang nakasaksi sa pangyayari na nagsabing isang lalaki ang biglang sumulpot na may hawak ng baril at pinaputukan sa ulo ang naglalakad na biktima bago tumakas.

Agad namang iti­nawag sa Sub-station 5 na sa pagresponde ay isinakay sa Hilux Mobile car at dinala sa pagamutan ang duguang biktima at ikinordon ng iba pang res­ponder ang crime scene. Isang basyo ng bala ang narekober ng SOCO.

Kinumpirma naman ni Dr. Henry Del Rosario ang pagkamatay ng biktima habang ginagamot.

Nagsasagawa pa ng follow-up investigation at backtracking ang mga tauhan ng pasay Police para matunton at madakip ang suspek.

Show comments