MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawang Liberian national na sangkot sa black dollar scam sa isinagawang entrapment operation sa Quezon City.
Kinilala ni CIDG Director Brig. Gen. Nicolas Torre III, ang mga suspek na sina alyas George at Jhonson ay nadakip noong Enero 31 sa isang hotel sa Barangay Kamuning, Quezon City bandang alas-5:20 ng hapon.
Nagsasagawa ng operasyon sa Metro Manila at karatig probinsiya ang mga suspek na miyembro ng “Black Dollar African Criminal Gang”.
Ayon kay Torre ang kanilang operasyon kasama ang mga kawani ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay kasunod ng reklamo ng isang negosyante na si “Susan” na nag-invest ng P1.8 million para sa kemikal at iba pang materyales.
Modus ng “black dollar” scam na kumbinsihin ang kanilang bibiktimahin na magbayad para sa gagamiting kemikal upang i-convert ang mga pekeng pera sa tunay dolyar.
Nakuha mula sa mga suspek ang P1,000 bill, 20 counterfeit US dollar bills, luggage bag, vault na naglalaman ng cotton at powdered chemicals, bungkos ng green banknote-sized paper, iba’t ibang identification cards at tatlong cellphone.
Nasampahan na ng reklamong estafa, illegal possession and use of false treasury at forging treasury ang mga suspek.